
Busy ang susunod na mga lingo para sa mga Filipino pageant fans dahil meron na namang Filipino beauty queen na nangangailangan ng suporta nila sa isang international pageant.
Nanawagan ang The Miss Philippines organization sa mga Filipino pageant fans na iboto si Miss Eco International Philippines Gabbi Carballo sa Miss Eco International pageant na gaganapin ngayong buwan. Tinuro ng organisasyon kung paano bumoto para kay Gabbi sa caption ng kanilang opisyal na Instagram account, kung saan sinabi rin nila na makakatulong ito para makakuha ng posisyon sa top 10 si Gabbi at para ipakita sa mundo ang “strength, beauty, and heart of the Filipina.”
Ibinahagi ng organisasyon ang kanilang panwagan para sa mga boto bago lumipad si Gabbi papuntang Egypt para sa pageant. Ang kanyang send-off ay ngayong gabi, 8 p.m., sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Maliban sa paghahanda para sa pageant, binuhos ni Gabbi ang kanyang panahon nitong nakaraang taon sa pagtulong sa mga biktima ng Bagyong Tino. Noong Nobyembre, inilunsad niya ang “Flood to Flourish: A Balamban Relief Initiative.” Nanghingi siya ng mga cash donations para sa mga biktima ng Typhoon Tino sa Balamban, Cebu. Ang nalikom na pero ay ginamit sa relief goods na binili at binalot ng Rotaract Club of Cebu's Third District.
RELATED GALLERY: Justice for Cebu: Celebrities share frustration, call for aid, offer
prayers amid Cebu flooding
Sinisikap ni Gabbi na mag-uwi ng back-to-back na panalo para sa bansa sa Miss Eco International pageant. Ang current reigning Miss Eco International ay si Alexie Brooks, na kapareho rin ni Gabbi na babad sa advocacy work.
Noong Oktubre ng nakaraang taon, nag-upload ng Reel si Alexie kung saan nagmo-model siya sa Bangsa Sug Fashion Show sa Jolo, Sulu. Suot ni Alexie ang isang sustainable outfit na gawa ng designer na si Maverick Francisco Oyao. Ang outfit ay nagiging bag, jacket, at isang reversible. Maliban sa pagiging sustainable at functional, meron din itong “Pis Syabit stripes, radiant tropical hues, and motifs of abundance.”
RELATED GALLERY: A closer look at Alexie Brooks's stunning Miss Eco International gowns
Nitong Hulyo ng nakaraang taon, naging parte naman ng mangrove planting at coastal clean-up event sa Katunggan Eco Park sa Iloilo si Alexie.
Sa caption ng kanyang Instagram post, inilarawan ni Alexie ang eco park bilang isang matagumpay na mangrove reversion project na sakop ng tatlong magkakaibang United Nations Sustainable Development Goals -- SDG 13 (Climate Action), SDG 14 (Life Below Water), at SDG 15 (Life on Land). Inilarawan din ito ni Alexie bilang isang “local initiative with a global impact.”
Isang lingo naman bago ang event na iyon, naging bahagi ng isang 5K run sa ikalawang distrito ng Iloilo si Alexie. Ipinagdiriwang ng fun run ang love, inclusion, at equality, at in line din sa SDG 3 na Good Health and Well-being.
Ang 2026 Miss Eco International pageant ay magsisimula bukas, Mayo 13 hanggang Mayo 24 sa Helnan Antoniades Palace Hotel sa Alexandria, Egypt. Sa caption ng kanilang Instagram post, sinabi ng Miss Eco International organization na ang 2026 pageant ay merong tema na “Show Your Country's Power” at ipagdiriwang ang “national pride, culture, and eco-solutions while inspiring global unity.”