
Nagkaroon ng meet and greet ang iconic Japanese singer na si Mitsuko Horie noong Sabado, December 16, sa 16th Christmas fair ng The Philippine Toys, Hobbies and Collectibles Convention o TOYCON PH na ginanap sa Megatrade Hall ng SM Megamall Bldg. B sa Mandaluyong. Tumakbo ito mula Biyernes, December 15, hanggang Linggo, December 17.
Sinorpresa pa ng binanagsang "Queen of Anime Songs" sa nasabing event ang kanyang Pinoy fans nang awitin ang opening theme song ng classic '70s Japanese anime na Voltes V na pinamagatang "Voltes V No Uta."
Sa videong ipinost ng Powerplay Ware sa Facebook, mapapanood ang performance ni Mitsuko, ngayo'y 66 na taong gulang na, na tila walang pinagbago ang boses.
Ayon sa isang commenter, "nostalgic" na marinig nang live ang pagkanta ni Mitsuko ng "Voltes V No Uta."
"This is absolutely nostalgic. It reminds us of our simple yet beautiful childhood," ika ng Facebook user na nagngangalang Joffy Alvaro.
Samantala, nag-record si Asia's Limitless Star Julie Anne San Jose ng kanyang rendition ng "Voltes V No Uta" na ginamit sa GMA live-action adaptation series ng Voltes V na Voltes V: Legacy.
Ang "Voltes V No Uta" ay sinulat ng Japanese composer na si Kobayashi Asei. Siya rin ang nag-compose ng closing song ng Voltes V na "Chichi Wo Motomete." May bersyon din nito ang
Kapuso actor and singer na si Matt Lozano na ginamit sa Voltes V: Legacy.