
Nagsimula na ngayong Miyerkules, December 23, ang 46th edition ng taunang Metro Manila Film Festival (MMFF) Parade of Stars.
Dahil sa banta ng COVID-19 ay idinaos ang event online at mapapanood ito sa official Facebook page ng MMFF.
Hindi rin nakalimutan ng award-winning actor na si John Arcilla, ang bida sa MMFF official entry na Suarez: The Healing Priest, na imbitahin ang fans at social media followers niya na daluhan sila sa virtual event.
Samantala sa katatapos lamang na press conference ng Suarez: The Healing Priest, ibinahagi ni John na exciting ang pag-shift ng MMFF sa online streaming.
Gayunman, may nakikita pa rin siyang disadvantages dito tulad ng age bracket ng mga viewers. Maaari raw kasing mahirapan sa panonood ang mga hindi techy na audience gaya na lamang ng mga matatanda.
Bukod kay John, tampok din sa pelikula sina Alice Dixson, Dante Rivero, Rita Avila, Rosanna Roces, Jairus Aquino, Marlo Mortela, Troy Montero, Richard Quan, Yayo Aguila, Alan Paule, Biboy Ramirez, Patrick Sugui, Jericho Estregan, Maru Delgado, Yñigo Delen, at Jin Macapagal.
Source: johnarcilla (Instagram)
Tampok sa Suarez: The Healing Priest ay ang talambuhay at mapaghimalang abilidad ng healing priest na si Father Fernando Suarez na pumanaw noong February dahil sa heart attack.
Matatandaan na ang yumaong pari ang pumili kay John na gumanap sa kanyang karakter para sa pelikula.
Samantala, kabilang din sa sampung official entries ng MMFF ngayong taon ang: Isa Pang Bahaghari, Coming Home, Magikland, Tagpuan, The Missing, Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim, Pakboys Takusa, The Boys Foretold by the Stars, at Fan Girl.
Ilan sa mga Kapuso stars ay bibida rin sa ilang pelikulang kalahok sa film festival. Ito ay sina Sanya Lopez na mapapanood sa Isa Pang Bahaghari; EA Guzman, Martin Del Rosario, Shaira Diaz, Luis Hontiveros, at Chanel Morales para sa Coming Home; Elijah Alejo, Miggs Cuaderno, Hailey Mendes, at Jamir Zabarte ay mapapanood sa Magikland.
Ang 46th edition ng MMFF ay magbubukas sa December 25 hanggang January 8, at mapapanood sa Upstream.ph.
At kung gusto n'yo malaman kung paano mapapanood sa streaming service ng Upstream ang mga MMFF entries, sundan lamang ang step-by-step guide DITO.
Related content:
How will the new digital platform affect MMFF 2020?