
Nalaman na ni Ligaya (Amy Austria) ang totoong kondisyon ng dating asawa na si Ador (Lito Pimentel) sa Mommy Dearest!
Sa episode nitong Lunes, June 16, matatandaan na iniligats ni Ador si Ligaya mula sa naghahanap sa kaniya. Isinama niya ito sa kaniyang tinutuluyan at hiniling sa dating asawa kung maaari ba silang magsama muli.
Sa pag-uusap nila ni Ador tungkol sa anak nila na si Olive (Camille Prats), nagbigay na ng pahiwatig na may alam ito tungkol sa kondisyon ng anak, ngunit hindi na nagbigay pa ng ibang detalye.
Inalok muli ni Ador si Ligaya kung maaari silang magsama muli at buuin ang pamilya nila kasama si Jade (Camille Prats) at Emma (Katrina Halili), ngunit tumanggi si Ligaya. Aniya, ayaw na niyang maranasan muli ang mga pananakit na ginawa sa kaniya ng asawa noon.
Dito na nagwala si Ador at pinagbabato ang mga gamit nila, bagay na ikinagulat ni Ligaya.
Sa episode nitong June 18, ipinaalam na ni Ador na diagnosed siya ng bipolar disorder at “skiso” o schizophrenia. Ang bipolar disorder ay isang mental health condition dahilan para magkaroon ng sobra-sobrang mood swings. Kabilang dito ang emotional highs o mania, at lows tulad ng depression.
Ang schizophrenia naman ay isang mental health condition kung saan naaapektuhan ang kakayahan ng isang tao na mag-isip, makiramdam, at umasta. Nagiging dahilan din ito ng hallucinations, delusions, at disorganized na pag-iisip at behavior.
Dito na napagtanto ni Ligaya na nakuha ng anak na si Olive ang kaniyang mental health illnesses kay Ador, isang bagay na isinisi niya dito. Ngunit paglilinaw ni Ador, hindi niya ito ginusto at sa katunayan, pinipilit niyang gumaling mula sa mga kondisyon na ito.
BALIKAN ANG BEHIND THE SCENES PHOTOS NI LITO PIMENTEL SA SHOOTING NG 'MOMMY DEAREST' SA GALLERY NA ITO:
Ngunit aminado rin ang kaniyang nawalay na asawa na maaaring wala na siyang pag-asa pang gumaling. Kaya naman, hiling niya kay Ligaya, 'wag nitong sukuan ang kanilang anak na may pag-asa pang bumuti ang lagay.
Sa huli ay nagpaalam na si Ador kay Ligaya at sinabi nitong hindi na siya guguluhin pa.
Sa episode nitong Miyerkules, June 18, nagpasama si Ligaya para puntahan ang kaniyang mga kaibigan na sina Wiro (Mel Martinez) at Kutsy (Viveika Ravanes), ngunit nakita sila ng tauhan ni Jade.
Matapos saksakan ng gamot si Ligaya at barilin si Ador, ay dinala na siyang muli kay Jade.
Paano kaya tutulungan ni Ligaya ang kaniyang anak na dumadaan din sa mental health issues kagaya ni Ador?
Abangan ang Mommy Dearest Lunes hanggang Biyernes, 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime at Kapuso stream.