
Isinakripisyo ni Logan (Rocco Nacino) ang sarili niya para lang iligtas si Emma (Katrina Halili) at patunayan ang kaniyang pagmamahal sa Mommy Dearest.
Sa mga nakaraang episode, ilang ulit ipinahayag ni Logan ang kaniyang pagmamahal kay Emma. Ngunit dahil mahal pa rin nito ang asawang si Danilo (Dion Ignacio), ay hindi niya maibalik ang pagmamahal na ito.
Dahil sa selos at sa galit, nakipagtulungan si Logan para sirain muli ang relasyon ng dalawa, dahilan para ituloy ni Danilo ang naudlot na kasal nila ni Jade (Camille Prats).
Ngunit sa Episode nitong Miyerkules, July 16, matapos makaligtas ni Ligaya (Amy Austria) at magpunta sa kasal ay isiniwalat na nito ang totoong pagkato ni Jade bilang si Olive. Bukod pa rito, nagpakita rin ng ebidensya si Emma na nakikipagtulongan ito kay Logan para lang siraan siya.
Itinanggi pa ni Jade ang mga sinabi nina Emma at Ligaya, ngunit dahil naniwala na si Danilo sa kaniyang pamilya, napilitang tumakas si Jade. Sinubukan siyang habulin nina Emma at Danilo, at maging si Mookie.
BALIKAN ANG ILAN SA MGA BEHIND-THE-SCENES PHOTOS NI ROCCO BILANG SI LOGAN SA TAPING PARA SA 'MOMMY DEAREST' SA GALLERY NA ITO:
Ngunit nang maabutan siya ng kaniyang kinikilalang anak at komprontahin, naitulak niya ito at nabagok ang ulo ni Mookie, dahilan para himatayin siya. Tumakas si Olive habang sinubukan naman dalhin nina Emma at Danilo si Mookie sa ospital.
Nawalan ng preno ang sinasakyan ng pamilya ni Emma, dahilan para mabunggo sila at himatayin din ang dalawa. Buti na lang ay may paramedics na dumating at inilabas si Mookie mula sa sasakyan.
Nang magising si Emma at makitang wala na ang anak sa kaniyang tabi, kinompronta niya ang paramedics na nagtanggal ng maskara para ipakitang siya si Olive. Sinubukan tanungin ni Emma si Olive tungkol kay Mookie, ngunit tinutukan siya nito ng baril.
Hindi nagtagal ay dumating si Logan, at pilit kinukumbinsi si Olive na ibaba nito ang hawak na baril. Hindi nagpatinag si Olive at sa halip, lalo lang itong nagalit at tinutukan din si Logan. Dito naman kinuha ni Emma ang pagkakataon para subukin agawin ang baril.
Tumulong na rin sa pag-awat si Logan hanggang sa umlingawngaw ang malakas na putok ng baril. Nagkatinginan ang tatlo, tinatantya kung sino sa kanila ang tinamaan, bago bumagsak si Logan sa sahig.
Umalis si Olive kasama si Mookie habang naiwan naman si Logan kay Emma. Humingi ng tawad si Logan sa kaniya, at ipinahayag ang kaniyang pagmamahal, bago tuluyang pumanaw.
Ngayon na nabigyan ng bagong pagkakataon si Emma sa buhay dahil sa tulong ni Logan, mabawi na kaya niya kay Olive si Mookie? 'Wag palampasin ang finale ng Mommy Dearest ngayong Biyernes, 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime at Kapuso stream.