
Punong-puno ng kilig ang nagdaang mga episode ng hit Afternoon Prime series na Mommy Dearest! Bukod kasi sa nakakatandang cast ng serye, nagdala rin ng pagmamahal ang young stars nito nang umamin na si Mookie (Shayne Sava) at Zayn (Prince Carlos) ng kanilang feelings para sa isa't isa.
Matatandaan na ilang beses na rin nasabi ni Zayn kung gaano niya kagusto si Mookie, ngunit unti-unti na umano ito nawawala dahil sa hindi magandang ugali na pinapakita ng dalaga.
Sa June 5 episode ng serye, muntik nang madukot si Mookie ng mga nakamaskarang tao. Buti na lang at dumating si Zayn at nakahingi siya ng tulong dito. Ngunit dahil dalawa ang nakatunggali ni Zayn, nabugbog siya sa naturang laban at napaalis lang ang mga nagtakangkang dumukot kay Mookie nang magbanta si Nanay Loida na tatawag ng pulis.
Sa loob ng bahay, pilit ginamot ni Mookie ang sugat at pasa na natamo ni Zayn. Ngunit imbis na gamutin ni Mookie ang pisikal na sakit na nararamdaman nito, ay tinulungan siya ni Zayn na maghilom sa emosyonal na sakit ng pagkawala ng kaniyang Nanay Emma (Katrina Halili) sa buhay nila.
Ayon kay Mookie ay malaki na ang pinagbago niya ngayon dahil sa pang-iiwan diumano ng kaniyang Nanay Emma sa kanila. Kaya naman, maiintindihan din niya kung lalayo ito, kahit pa masakit sa kaniya dahil gusto na niya ang binata.
Ngunit nang linawin ni Zayn ang sinabi ni Mookie ay hindi nito sinabi ang totoo at sinabing namali lang ito ng dinig. Ngunit nang kulitin siya ni Zayn, inamin na rin sa wakas ni Mookie na gusto niya ang binata.
Ngunit sabi ni Mookie, alam niyang hindi na babalik ang bersyon niya na nakilala ni Zayn kaya naman maiintindihan niya kung hindi na siya magugustuhan nito. Ngunit ayon sa binata, hindi niya pipilitin na magbago pa ang dalaga. Handa umano si Zayn na tanggapin kahit maging harsh ulit ito sa kaniya dahil gusto niya si Mookie.
Sa huli, ipinangako ni Zayn kay Mookie na kahit ano pa ang pagdaanan nito ay hindi niya iiwan ang dalaga. Handa rin umano siya na suportahan si Mookie kahit ano pa ang mangyari.
BALIKAN ANG ILAN SA MGA MAIINIT NA LOVE TEAM NOONG 2023 SA GALLERY NA ITO: