
Isang malaking rebelasyon ang ipinaalam ni Ligaya (Amy Austria) sa kaniyang anak na si Emma (Katrina Halili) tungkol sa nawawala niyang kambal na anak!
Matatandaan na matagal nang hinahanap ni Ligaya ang kambal niyang anak na kanyang pinaampon. Ngunit sa kasamaang palad, hindi siya matulungan ng taong nilapitan niya para ipaampon ito.
Sa mga nakaraang episode ay nakilala nina Ligaya at Emma si Jade (Camille Prats), ang kakambal ni Olive (Camille Prats). Noong una ay hindi pa makapaniwala sina Emma na may kakambal pala si Olive, ngunit pinakita ni Jade na malayo siya sa kaniyang ate.
Sa episode noong Biyernes, May 2, sinubukan ipadakip ni Olive ang sarili niyang kakambal, ngunit to the rescue sina Ligaya, Emma, at Danilo (Dion Ignacio). Sa kaguluhan na nangyari, nahulog ang necklace ni Jade na napulot naman ni Ligaya.
Nang makita ito ay nakilala ni Ligaya ang parehong kuwintas na ibinigay niya sa kaniyang kambal na anak noong ipaampon niya ang mga ito. Ipinakita niya kaagad ang kuwintas kay Emma at ibinahagi ang kaniyang mga haka-haka. Ang ibig sabihin nito, kapatid niya si Jade at kakambal nitong si Olive.
Ngunit sabi sa kaniya ni Emma, hindi pa rin naman sila sigurado kung si Jade at Olive nga ang kaniyang mga kapatid. Kaya para magkaalaman na, binalik ni Ligaya kay Jade ang kuwintas at tinanong ang ilang detalye ng buhay nila ni Olive.
Sa kwento ni Jade, nalaman nila ni Olive na hindi nga sila tunay na mga anak ng kanilang mom at dad ngunit hindi na nila nalaman kung sino ang tunay nilang ina. Ang alam lang nila, iniwan nito sa kanila ang naturang kwintas.
BALIKAN ANG MGA KARAKTER NG HIT AFTERNOON PROME SERIES NA 'MOMMY DEAREST' SA GALLERY NA ITO:
Sa patuloy na pag tatanong ni Ligaya, nalaman niyang kaedad na ngayon nina Jade at Olive ang kambal sana niya.
Samantala, hindi pa rin makapaniwala si Emma sa sinabi sa kaniya ni Ligaya at maging si Danilo, hindi rin matanggap na maaaring kapatid ng asawa si Olive, lalo na at kinuha at pinahirapan nito ang nawawala nilang anak na si Mookie (Shayne Sava).
Para mapatunayan ang kaniyang haka-haka, sinubukan nina Ligaya, Jade, Emma, at Danilo maghanap ng ebidensya tungkol dito. Nang ipakita ni Jade ang litrato nila ni Olive na kuha umano ng tunay na nanay nila, sinabi ni Ligaya na iyon mismo ang litratong ibinigay niya na iabot sa mag-aampon sa kaniyang kambal.
Paano kaya tatanggapin nina Emma, Jade, at Olive ang rebelasyong ito?
Abangan ang 'Mommy Dearest' Lunes hanggang Biyernes, 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime at Kapuso stream.