
Buhay pa si Ador (Lito Pimentel) at siya na marahil ang magliligtas kay Ligaya (Amy Austria) sa Mommy Dearest.
Matatandaan na unang nagkita ang dating mag-asawa nang iligtas ni Ador si Ligaya mula sa mga tauhan ni Jade (Camille Prats) na humahabol sa kaniya. Isinama rin niya ang dating asawa kung saan siya nakatira para magpagaling at magpalakas.
Hindi nagtagal ay nagdesisyon si Ligaya na bumalik kay Danilo (Dion Ignacio) para ipaalam dito ang sikreto ni Jade. Ngunit sa kasamaang palad, tinambangan sila ng tauhan nito at nahuling muli si Ligaya.
Sinubukan iligtas ni Ador ang kaniyang dating asawa, dahilan para mabaril siya ng tauhan ni Jade at maiwang duguan sa kalsada. Muling dinala si Ligaya kay Jade na iginapos siya sa bahay nito.
Sa episode nitong Martes, July 1, tinanong ni Ligaya ang tao ni Jade kung kamusta na si Ador, at kung ano ang ginawa nila dito. Ngunit ayon sa kaniyang tigabantay, hindi na niya ito nabalikan at maaaring patay na ito.
BALIKAN ANG ILANG BEHIND THE SCENES NI LITO BILANG SI ADOR SA GALLERY NA ITO:
Ngunit sa mga eksenang ipinakita na dapat abangan sa Mommy Dearest, makikitang buhay pa si Ador, at nakarating na rin sa bahay ni Jade. Makikita rin si Ador na pinaplano na ang paghahanap kay Ligaya, at ang pagligtas niya dito.
Sa isa pang eksena, makikita rin si Ador na nasulyapan na ang anak niyang si Olive, sa katauhan ni Jade, at ang kagustuhan niyang matulungan ito sa pinagdadaanan na mental health issues gaya ng kanyang kundisyon.
Si Ador na nga ba ang makakapagligtas kay Ligaya mula kay Jade? Siya na rin kaya ang makakatulong kay Jade na mapagtagumpayan ang pinagdadaanang mental health issues?
Abangan ang Mommy Dearest Lunes hanggang Biyernes, 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime at Kapuso stream.