
Hindi maitago ng award-winning actor na si Mon Confiado ang kaniyang pagkabilib sa younger co-stars niya sa revenge drama na Makiling.
Ang Makiling ay pinagbibidahan ng Kapuso couple na sina Elle Villanueva at Derrick Monasterio. Kasama nila rito ang next-generation kontrabidas na sina Thea Tolentino, Kristoffer Martin, Myrtle Sarrosa, Royce Cabrera, Teejay Marquez, at Claire Castro.
Sa finale media conference ng Makiling kamakailan, tinanong ng GMANetwork.com si Mon kung ano ang masasabi niya sa kaniyang co-stars sa serye bilang marami na siyang nakatrabahong artista.
Sagot ni Mon, “Iba-ibang generation na 'yung nakatrabaho ko pero masasabi ko talaga na itong team ng Makiling ay ibang klase talaga 'yung dedication nila.”
“Ako'y naa-amaze kasi parang noong nagsisimula ako na mag-artista hindi ako ganun mag-isip pero itong mga batang 'to talagang grabe 'yung dedication nila at 'yung passion nila sa craft nila. Nagre-reflect talaga sa trabaho nila e. Bilib na bilib ako sa kanilang lahat,” proud na sinabi ng batikang aktor.
Dagdag pa niya, “Opening pa lang ng Makiling grabe na 'yung dedication na ipinakita nila sa taping nila sa gubat, ilang araw nilang kinunan at pinagmamasdan ko sila wala akong narinig na kahit konting reklamo na ang hirap ng ginawa nila. Lahat parang nakatutok sa script, naka-focus sa lines nila, pagdating namin sa eksena lahat sila memorize ang kanilang mga line at talagang nakakapit sila sa characters nila.
“So ako'y bilib na bilib talaga sa mga batang 'to. Iba 'to sa mga nakatrabaho ko no'ng unang panahon. Iba 'yung professionalism nila. Ang galing.”
Ayon pa kay Mon, honored siya na maging parte ng nasabing revenge series na talagang tinutukan ng mga manonood sa GMA Afternoon Prime.
Aniya, “Unang-una ako'y napaka-grateful na naging part ako ng Makiling. Maraming-maraming salamat sa laging pagbibigay sa akin ng magagandang role. Very proud ako simula pa lang nung nalaman ko na part ako ng Makiling noong pinitch nila 'yung story at ito ngang makakasama ko sobrang pasasalamat at napakaganda ng naging karakter ni Doc Franco.”