GMA Logo ynez veneracion and mon confiado
Courtesy: MiVida Productions
What's Hot

Mon Confiado, laging binibiro ang ex-partner na si Ynez Veneracion: 'Baka ako pa rin ang karma mo'

By Nherz Almo
Published February 4, 2026 2:47 PM PHT

Around GMA

Around GMA

Atom Araullo earns lifetime achievement award at The Global Filipino Icon Awards
Woman hacked dead by own neighbor in Aloguinsan, Cebu
The Miss Globe Chayanthanus Saradatta's short but sweet visit to the Philippines

Article Inside Page


Showbiz News

ynez veneracion and mon confiado


Mon Confiado sa dating partner na si Ynez Veneracion: "Hindi mawawala ang pagmahahal ko kay Ynez hanggan kamatayan.”

Nag-viral noon ang isang video kung saan makikita ang pag-aasikaso ni Mon sa anak ng dati niyang partner na si Ynez Veneracion. Dahil dito, umani ng paghanga ang aktor mula sa mga nakaanood dahil sa kanyang pagiging father figure kay Princess Kayla, na anak ni Ynez sa nauna ibang relasyon.

Sa media conference ng pelikulang Batang Paco, sinabi ni Mon na bagamat matagal na silang hiwalay ni Ynez ay patuloy ang pagkalinga niya sa anak nito.

Bukod sa pagbibigay ng mga pangangailangan ng dalaga, todo rin daw ang moral support ng aktor, lalo na sa usaping bullying.

“Malaki po ang moral support ko. Halos araw-araw pinapayuhan ko siya kung ano ang mga puwedeng magpatatag sa kanya—mula sa pagdadasal hanggang sa pagmamahal sa kanyang mga magulang.

“Sabi ko nga, minsan, kahit yung mga pinakamagaganda o yung mga pinakamatatalino ay binu-bully,e. Prang lalo ka sa generation ngayon, sa social media, parang kalakaran na 'yan, so dapat masanay na siya.

“Pero hindi ibig sabihin na magpalamon ka doon sa pangmamata, pambu-bully sa 'yo. Sityempre, mas kilala niya ang sarili niya o mas kilala naming siya as parents. Lahat ng moral support, nandun ako.

“Sabi ko nga, nasa tabi mo lang ako palagi, lagi kitang dadamayan kahit ano pa 'yan. Basta, yung daddy mo nasa side mo lang palagi.”

Sa kabila nito, nabanggit ni Princess Kayla sa dating interview na hindi niya nakikitang magkakabalikan ang kanyang inang si Ynez at tatay-tatayang si Mon, na nagsama sa loob ng 17 years.

Para kay Mon, hindi man posible ito, mananatili naman daw ang magandang samahan nila ng aktres.

Kuwento ng aktor, “Pinapaintindi ko naman talaga sa kanya magmula noong bata siya yung pinagdaanan namin ng mommy niya. Pero magiging proud ka rin sa amin kasi, imagine, kahit may kanya-kanya na kaming buhay, mayroon na nga siyang kapatid sa iba, pero yung pagmamahal namin bilang magkaibigan ni Ynez ay nandidiyan pa rin.”

Related gallery: Celebrity ex-couples na nanatiling magkaibigan para sa anak

Isang patunay sina Mon at Ynez na posibleng maging magkaibigan ang dating magkasintahan. Bukod kasi sa pag-aalaga kay Princess Kayla, madalas pa rin silang nagkakasama sa acting projects tulad ng upcoming movie na Batang Paco.

Ang sikreto, ani Mon, “Ang aming mindset kasi, hindi namin tinitingnan ang mga pagkakamali o pangit na experiences. Ang tinitingnan naming palagi ay yung mga magagandang pinagsamahan. Ganun yung respeto naming sa isa't isa.”

Pag-alala pa ni Mon tungkol kay Ynez at sa dalagang anak niya, “Alam mo, sira ulo ako noong naging kami. Siguro nabuwisit siya sa akin kasi noong time na 'yon ayaw kong magkaanak, ayaw kong magkaroon ng responsibilities, happy-go-lucky lang ako noon. Pero noong dumating yung panganay niya, nagbago yun, 180 degrees.

“Dati, ayaw ko ng bata, naguguluhan ako. Pero noong napamahal ako sa anak niya, sobrang sensitive ko na sa mga bata ngayon. So, ibinigay ko yung pagiging magulang and nagamit ko rin 'yan sa pagiging artista ko.

“Kumbaga, siguro sya yung naging pagsisisi ko na hindi nag-anak, hanggang ngayon wala akong anak. Siya yung nagbago ng buhay ko, ng pananaw ko, at nagpaseryso sa akin sa buhay ko.”

Dahil sa estado ng kanilang relasyon ngayon ng dating kasintahan, minsan daw ang binibiro ni Mon si Ynez, “Baka ako pa rin ang karma mo.”

Paliwanag ni Mon, “Nagkaroon na siya ng iba't ibang karelasyon maliban sa akin, 14 years old na si Princess. Ilang taon na ang dumaan, kaya lagi ko siyang binibiro. Ibig sabihin nun, baka sa akin pa rin siya babagsak.”

Posible kaya ito?

Sagot ng aktor, “To be honest, hindi ko masabi nang tapos kasi mahirap, di ba? Pero masaya kasi kami ng ganito, e. Naka-support ako kay Ynez all throughout.”

Sa huli tinanong si Mon kung may natitira pa siyang pagmamahal kay Ynez. Tugon niya, “Hindi mawawala yun. Imagine, nakasama mo yung tao nang maganda ng 17 years. Kahit nga mag-asawa, kapag nahiwalay yun, puro galit na lang. Hindi mawawala ang pagmahahal ko kay Ynez hanggan kamatayan.”