
Tunay na kahanga-hanga ang dedikasyon ng aktor na si Mon Confiado sa bawat role na ginagampanan niya.
Sa interview ng batikang entertainment columnis na si Aster Amoyo, ikinuwento ni Mon ang mga ginawa niyang method acting para sa mga nagdaan niyang pelikula.
"Mostly, kontrabida, iniiba-iba ko po physically, atake, the way I speak, the way I move in every project. Pero syempre sa dami, may mga pagkakapare-pareho rin," sabi ni Mon.
Bilang fan ng mga Hollywood actors, na-enjoy at na-inspire daw siya sa tinatawag na method acting dahil nakikita niya ito dito. Ngunit, inamin rin ni Mon na medyo mahirap ito dahil kinakailangan talaga ito paglaanan ng oras.
Ikinuwento niya na pinag-aralan niya mangabayo para sa kanyang 2015 film na Heneral Luna.
Sa isang pelikula naman na kasama si Direk Paul Soriano na pinamagatang The Fisher, isang buwan daw sa Ilocos si Mon para makasama niya sa pangingisda ang mga mangingisda doon.
"A month before our shoot, nasa location na ako. Nagpapaitim na ako, nakikisalamuha na ako sa mga mangingisda, nangingisda kami," sabi ng aktor.
Kakaiba talaga ang commitment ni Mon pagdating sa acting, kaya naman mas may malala pa siyang ginawa na method acting.
Pag-amin ni Mon, "Mayroon rin akong pelikula [The Diplomat Hotel], nagpapayat ako ng 40 pounds. Doon ako natulog sa The Diplomat Hotel sa Baguio the entire shoot alone. Hindi naman po hotel yun eh, ruins yun, e, at saka horror yun."
Sabi niya na pati na rin daw ang kanyang co-actor na si Gretchen Barretto ay nagagalit na sa kanya at napapatanong kung bakit siya naroon.
Sa kanyang role naman sa pelikula ni Brillante Mendoza na Captive, pinanindigan ni Mon ang hindi maligo at pati na rin ang hindi pagtanggal ng kanyang combat shoes habang natutulog sa buong taping nila.
"Mahirap siya pero as an actor, as a performer and as an artist, iba yung fulfillment, e," paliwanag ni Mon.
Maraming hindi kinatatakutan si Mon para lamang ma-execute ng maayos at maganda ang kanyang karakter. Isa na rito ang pagkain niya ng putik sa kanilang shooting sa Mindanao.
"Nakalublob ako noon. Sabi ko ang ganda nito kapag action, kasi patay na ako eh irereveal na buhay pa pala ako. Pag [angat] ko, kinain ko yung putik, sinusuka ko, niluluwa ko," sabi ni Mon.
Dagdag nito, "Eh after nung take, sabi nung caretaker, positive yung [putik] sa mga parasite na kakainin yung utak mo."
Naagapan naman raw ang kanyang kaligtasan dahil naturukan siya agad ng vaccine ng sampung beses.
Isa rin sa nagpanalo kay Mon ng Best Supporting Actor sa 2022 MMFF entry na Nanahimk ang Gabi ang kanyang pamumundok magisa sa Baguio bago ang kanilang shooting.
Ginawaran rin si Mon ng FPJ Memorial Award ng FAMAS dahil kabilang siya sa mga tinitingala at nagrerepresinta sa mga character actors.
Samantala, tingnan dito ang iba pang mga celebrities na nanalo ng FAMAS Awards:
Panoorin ang buong interview ni Mon Confiado dito: