
Pormal nang naghain ng kaso sa National Bureau of Investigation o NBI ang batikang aktor na si Mon Confiado laban sa content creator na si Jeff Jacinto na may-ari ng Facebook page na “ILEIAD.”
Matatandaan na noong August 9, inireklamo ni Mon ang post ni Jeff sa kaniyang Facebook page na may paninirang kuwento tungkol sa kaniya.
Ayon sa kuwento ni Jeff, nagkita umano sila ni Mon sa isang grocery store sa Marikina City. Humiling daw ito ng picture kasama si Mon, pero base sa kaniyang kuwento ay tumanggi ang aktor at dinuro-duro pa umano siya sa mukha.
Dagdag pa nito, hindi raw binayaran ni Mon ang mga tsokolateng binili niya sa grocery at pinagsisigawan pa umano nito ang cashier.
Hindi na raw sana papansinin ni Mon ang post na ito pero naalarma siya dahil maaari itong ikasira ng kaniyang pangalan lalo na't ginamit ang kaniyang pangalan at larawan sa naturang post. .
Ayon kay Mon, hindi niya raw nakitaan ng pagsisisi ang nasabing content creator nang padalhan niya ito ng mensahe sa Facebook.
Ngayong Lunes, August 12, ibinalita ni Mon na itinuloy niya na ang paghahain ng kaso laban kay Jeff a.k.a. ILEIAD.
Ayon kay Mon, umaasa siyang magsisilbi itong aral sa mga taong mahilig gumamit ng pangalan at larawan ng iba upang makasira ng tao online.
“Dear Mr. Jeff Leanneroie Bonilla Jacinto alias ILEIAD. Nawa'y maging aral sa iyo ito at sa ating lahat. Na ang paggamit ng pangalan at larawan ng walang pahintulot ay krimen. Na hindi lahat ng jokes ay nakakatawa at hindi lahat ng jokes ay para sa lahat. Dapat sana ang joke ay nakakapagpasaya at hindi nakakasira ng tao,” bahagi ng post ni Mon.
Dagdag pa ng aktor, “Ngayon, Mr. Jeff Jacinto alias ILEIAD. Gusto kong ipaalam sa iyo na ang inihain kong kaso sa NBI ay HINDI JOKE. Ito ay TOTOO. Seseryohin natin ito para maging aral sa ating lahat. I'm looking forward to personally meet you in court Mr. Jeff Jacinto. God Speed.”
Huling napanood sa GMA si Mon Confirado sa mystery-revenge drama series na Makiling.
RELATED GALLERY: BEWARE: Celebrities, nagbabala tungkol sa fake social media pages