
Kahit maraming pagsubok na pinagdaanan ang Kapuso actress na si Mosang, nakayanan niya ang mga ito dahil daw sa tulong ng kanyang kaibigan na si Judy Ann Santos- Agoncillo.
Sa kanyang panayam kasama si Ogie Diaz, ikinuwento ni Mosang ang mga tulong na ibinigay ng kanyang kumare sa panahong siya'y nahirapan sa kanyang mga problema.
Sabi ni Mosang tungkol sa kanyang kaibigan, "She's always been there for me. In and after the pandemic, I'm so blessed with good friends."
Kuwento ng aktres, labis ang suporta at tulong na ibinibigay ni Judy Ann sa kanya. Umabot pa raw ang kabaitan nito sa pagbayad ng kanyang mga hospital bills nang sinugod ang kanyang ina sa ospital.
"Sa lowest time ko noon, talaga siya lang yung artistang, my God, hindi ko makakalimutan 'yun. Nasa ospital ang nanay ko noon, wala na ako pambayad ng bill, sabi ko 'Si nanay kasi nasa ospital kailangan ko ng downpayment.' Sabi niya 'magkano ba kailangan mo?,' sabi ni Mosang.
Kuwento rin ng Kapuso star, boluntaryong binayran ni Juday ang buong due amount ng bill kahit ang hinihingi niya lang sana ay kalahati nito. Hindi rin natapos ang pagtulong ng kanyang kaibigan dahil nang kinailangan naman siyang isugod sa ospital, si Juday mismo ang nagbayad ng bills at inalagaan pa siya pagkatapos ng kanyang tapings.
“Naospital ako. Siya lang 'yung nag-iisang kaibigan. Nakita niya namamaga na 'yung legs ko, whatever. Dinala niya ako sa St. Lukes. I've never been to St. Luke's; wala akong pambayad kamo. Sabi niya, 'Dito ka. Magpapagamot ka,'” pahayag ni Mosang.
Maliban dito, tumulong din si Juday kasama ang Kapusong comedian na si Michael V, para itayo ang kanyang negosyo pagkatapos ng pandemya.
Dahil kabaitan na ibinigay sa kanya, natuto si Mosang na gumawa rin ng kabutihan sa lahat. Aniya, "Kaya yung kindness na binigay nila sa akin, hindi ko pa man maibalik sa kanila pero binibigay ko sa ibang tao."
Dagdag din niya, "Ang dami kong fall talaga rin. Na talagang ang bait ng Diyos kasi depsite of the fall, lagi akong may Earth Angel, eh."
Nagsimula ang pagkakaibigan nina Mosang at Juday nang nagkatrabaho sila sa dating palabas na Esperanza. Simula noon, naging close ang dalawa hanggang sa naging ninang na sila ng kani-kanilang mga anak.