
Christmas miracle bang maituturing kung makita mo uli ang iyong ex-partner matapos ang halos tatlong taon? At kung mabigyan ka ng chance makabalikan siya uli, gagawin mo ba?
Nag-viral kamakailan ang video ng motorcycle taxi rider na si Christian Joe De Guzman o CJ, nang ma-videohan niya kung papaano niya naisakay ang kaniynag ex girlfriend na si Jessica Cunanan o Ecca.
Sa panayam ng Kapuso Mo, Jessica Soho nitong Linggo, ikinuwento ni CJ na tatlong taon na siyang walang balita sa kaniyang ex girlfriend kaya laking gulat niya nang ma-book nito ang kaniyang serbisyo.
“Mas in-demand po ngayon 'yung riding app kasi December na, holiday mood na 'yung mga tao, labasan na ng ipon. Pagka-accept ko po ng booking, may kutob na'ko, may nararamdaman na'ko,” pagbabahagi ni CJ.
Ayon naman kay Ecca, nagbu-book siya noong mga panahon na 'yun dahil may kikitain siyang kaibigan at gahol na sa oras. Kaya nang ma-book niya si CJ, hindi na niya napansin ang pangalan o picture nito.
Kuwento naman ni CJ, may video ang pagkikita nila dahil may dalawang linggo na siyang nagva-vlog at nasakto lang ang pagkikita nila. Ngunit habang bumibiyahe para ihatid si Ecca sa kaniyang destinasyon, isang tanong ang binitawan ni CJ.
“May tatanong lang ako. Kung babalik ba si CJ sa buhay mo, may pag-asa pa?”
Tawa lang ang naisagot ni Ecca, hanggang sa makarating na sila sa destinasyon niya. Pero ano nga ba ang naging kuwento nilang dalawa?
BALIKAN ANG CELEBRITY EX-COUPLES NA NAGKABALIKAN DIN SA GALLERY NA ITO:
Nagsimula ang lahat sa milk tea. Kuwento nina CJ at Ecca, 2019 nang magkakilala sila sa Facebook. Ayon sa una, nakita lang niya si Ecca sa social media platform at in-add ito bilang isang kaibigan.
Nag-post isang araw si Ecca na nagke-crave siya ng milk tea at nang makita ito ni Cj, ay inalok niya ito.
“Dinalhan ko po siya. Nu'ng una, kinakabahan ako kasi hindi siya nagre-reply. 'Hala, baka nga poser 'to.' Nu'ng nagkita po kami, na-in love po ako,” kuwento ni CJ.
Dagdag pa ni Ecca, “Hindi lang po milk tea kasi may kasama pa pong siomai. Kinikilig po ako nu'ng time na 'yun talaga, tapos ang pogi pa.”
Sinimulan nang ligawan ni CJ si Ecca at ayon sa binata, hindi niya inaasahan na seseryosohin siya nito, lalo na at walong taon ang tanda ni Ecca sa kaniya.
Ang dahilan ni Ecca, “Si CJ po kasi, sobrang sweet, hindi po 'yan pumupunta ng bahay ng walang dalang pagkain. Du'n ko po siya talagang nagustuhan.”
At dun nga, natanggap ni CJ ang inaantay niyang sagot, “'Oo na, sinasagot na kita.'”
Pagbabahagi ni CJ ay kinikilig at pinagmamalaki niya si Ecca at kung papaano siya nito inaalagaan. Samantala, masaya rin naman si Ecca kay CJ, lalo na at tanggap nito na meron na siyang anak.
“Sa'kin naman, ok lang. Hindi naman basehan 'yung 'pag may anak ka, hindi ka na karapatdapat mahalin,” pagbabahagi ni CJ.
Ngunit aminado si Ecca na hindi naging madali ang relasyon nila, dahil na rin sa agwat ng kanilang edad.
“Mahirap, parang ako 'yung nagdadala sa relasyon namin e, parang ako 'yung nagga-guide. May hindi po kami pagkaka-intindihan, tapos hindi po siya nakikinig,” pagbabahagi ni Ecca.
Ayon kay CJ, mas pinili na lang niyang umalis sa kanilang relasyon para hindi na masaktan pa si Ecca.
“Nung nagkahiwalay kami ni Ecca, may panghihinayang talaga kasi siyempre, 'yung pasko, sobrang mahalaga niyan,” sabi ni Cj.
Aminado naman si Ecca na galit siya noong magkahiwalay sila, at sinabing nagkaroon lang siya ng isang boyfriend matapos nilang maghiwalay. Nilinaw din ni Ecca na single siya ngayon.
Kaya naman, ngayong nagkita na silang muli, naglakas-loob si CJ itanong kay Ecca ang tanong niya nang ihatid niya ito.
“What if manligaw ako ulit sa'yo, may pag-asa pa ba ako?” tanong ni CJ.
Ang sagot ni Ecca, “Oo, payag ako, basta 'wag mo na ulitin 'yung ginawa mo dati.”
Ipinangako naman ni CJ na gagamitin niya ang second chance na ibinigay sa kaniya ni Ecca para iparamdam dito ang deserve nitong pagmamahal.
“Gagawin kong better 'yung sarili ko para sa'yo,”dagdag pa niya.
Samantalang si Ecca, “'Yung mga natutunan ko nung kami ni CJ na sana inintindi ko din siya bilang nakakatanda sa kaniya na hindi puro mali niya 'yung nakikita ko, na dapat makita ko din 'yung mga mali at pagkukulang ko sa kaniya.”
Panoorin ang buong interview nila dito: