
Marami sa mga manonood ng Filipino musical play na Mula Sa Buwan ang kinilig, hindi lamang sa kuwento ng mismong theater play na kanilang napanood kung 'di dahil sa tunay na engagement proposal ng dalawa sa mga bida nito at theater actors na sina Gab Pangilinan at Myke Salomon, sa huling gabi ng nasabing musical nitong Linggo, September 18.
Isinagawa ni Myke ang kanyang surprise proposal kay Gab sa mismong entablado kung saan sila nag-perform pagkatapos nilang magpasalamat sa audience at sa lahat ng tumangkilik sa kanilang palabas.
Matapos ang speech ni Gab sa closing, isa sa kapwa nila cast member ang nag-abot ng isang liham sa kanya kung saan nakasulat ang mensahe ni Myke. Agad itong binasa ng theater actress sa harap ng kanilang manonood at laking gulat niya nang biglang lumuhod sa kanyang harapan ang kanyang nobyo na si Myke.
Isang matamis na "Oo" naman ang natanggap ng stage actor mula sa kanyang nobya.
Sa Instagram, masaya ipinost ni Myke ang larawan ng kanilang engagement ni Gab.
"Actually, pwede naman namin gawin to sa dressing room pagkatapos ng show, pero pinili ko gawin sa sagradong tahanan. Ang entablado.. kung saan ang lahat ng kulay ng emosyon, ngiti, palakpak, tawa, luha, saya, pag ibig at katotohanan ay umaapaw," caption ni Myke sa kanyang post.
Samantala, marami naman sa tagasubaybay ng palabas ang natuwa nang inanunsiyo na magkakaroon ulit ng rerun ang hit musical show sa darating Disyembre.
KILALANIN NAMAN ANG ILANG PINOY CELEBRITIES NA MINSAN DING NAGING STAGE ACTORS SA GALLERY NA ITO: