
Isang treat para sa telefantasya fans ang hatid ng digital channel na I Heart Movies ngayong linggo.
Mapapanood kasi ang box-office hit film na Mulawin: The Movie.
Ito ang pagpapatuloy ng kuwento ng iconic GMA telefantasya na Mulawin na ipinalabas sa telebisyon.
Sa pelikula, naghahanda na para sa tahimik na buhay sina Aguiluz (Richard Gutierrez) at Alwina (Angel Locsin) nang abutan ng malakas na bagyo ang sinasakyan nilang bangka.
Magkakahiwalay sina Aguiluz at Alwina at mawawala pa ang kanilang mga alaala.
Samantala, bubuhayin ni Sang'gre Pirena (Sunshine Dizon) si Haring Ravenum kaya manganganib muli ang mga Mulawin.
Paano sila lalaban ngayong nawawala ang mga pinakamagigiting nilang mandirigma na sina Aguiluz at Alwina?
Official entry din ang Mulawin: The Movie sa 2005 Metro Manila Film Festival.
Abangan ang Mulawin: The Movie, September 4, 9:35 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Tunghayan din ang independent film ni award-winning director Louie Ignacio na Laut.
Umiikot ang kuwento sa buhay ng ilang Sama d'Laut o mas kilala sa tawag na Badjao na ni-relocate sa isang settlement sa Pampanga.
Espesyal ang pelikulang ito para kay Kapuso Primetime Princess Barbie Forteza dahil ito ang nakapagbigay sa kanya ng kauna-unahan niyang international acting recognition.
Hinirang si Barbie bilang Best Actress sa 36th Fantasporto International Film Festival sa Oporto, Portugal. Bukod dito, nabigyan din ng Special Mention of the Jury ang Laut.
Abangan ang Laut, September 1, 9:35 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available din ito sa iba pang digital television receivers.