
Parte sa cast ng inaabangang Mulawin VS Ravena ang pamilyar na teamup na kinabibilangan nina Tom Rodriguez, Carla Abellana at Dennis Trillo. Taong 2013, matatandaang bumida ang tatlong Kapuso stars sa sikat na teleserye na My Husband's Lover. Matapos ang apat na taon, muling magsasama-sama ang naglalakihang artista ng GMA sa nasabing higanteng telefantasya.
Ayon kay Carla, excited daw siya na muling makasama ang TomDen at ang direktor ng My Husband's Lover na si Dominic Zapata na isa rin sa mga direktor ngayon ng Mulawin VS Ravena. "Nariyan si Dennis, si Direk Dominic, si Tom. Reunion nga ito. Pero galit-galit kami rito, away-away kami," natatawa niyang bahagi.
Bukod pa rito, natutuwa raw na ianunsyo ni Carla ang balik-tambalan nila ni Tom. Aniya, "Matagal naming isinikreto, mga halos tatlong buwan din na bawal magsalita. Naibigay naman 'yung gusto nila (TomCar fans) na magsama ulit kami ni Tom sa isang project."
"I'm sure super excited sila kasi ibang-iba sa nakasanayan nila [ang Mulawin VS Ravena]. First time nila akong makikitang ganito so siyempre gagalingan ko for them," pahayag ni Carla na gaganap bilang si Aviona.
Abangan ang Mulawin VS Ravena, ngayong May 22 na pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Telebabad.