
Laganap kamakailan ang mga sunod sa buong bansa, Isa sa mga nabiktima nito ay ang dating komedyante at aktor na si Allan Padua, o mas kilala bilang si Mura.
Nag-viral kamakailan ang video ni Mura kung saan sinabi niyang nasunugan sila. Sa video, mapapanood rin ang dating aktor na humihingi ng tulong.
Nitong linggo sa Kapuso Mo, Jessica Soho, nakapanayam nila si Mura kung saan ikinuwento niya ang tungkol sa nasunog nilang bahay.
Kuwento ni Mura, 2005 pa nang maipatayo niya ang bahay mula sa sampung taon niyang pagtatrabaho sa showbiz.
“Nung nag-work ako sa showbiz, napundar ko rin 'to. 'Yung iba du'n, kinita ko rin sa mga shows abroad, kasama ko dun sina Tito Dolphy, na nagko-concert po kasi sila doon, tapos sinama nila kami ni Mahal,” sabi niya.
Dagdag pa niya, “Kasi, hindi naman biglaan itong bahay ko, konti-konti lang natapos.”
Kaya naman, masakit umano para kay Mura ang kanilang naranasan dahil hindi rin niya alam kung saan siya magsisimula uli. Sa ngayon, nakatira sila pansamantala sa kaniyang tiyahin.
“Sa tagal mong nagtrabaho, pinaghirapan mo rin ito, hindi mo alam, ganito lang ang mangyayari uli. Kasi, pang-tatlo na naming sunong, 'to e. Kakalungkot lang kasi bigla na lang siyang nawala,” sabi niya.
Pagpapatuloy pa niya, “Sa isang iglap mawala 'yung pinaghirapan mo, 'di ba? Hindi ko akalain kasi. Mahihina na kaming tao, bakit lagi na lang pagsubok ang binibigay nila sa amin? Ganito na lang lagi?”
Lalo lang naging mahirap ang kaniyang sitwasyon dahil nabali ang kaniyang balakang nang maaksidente siya sa tricycle noong 2010.
BALIKAN ANG MGA NAIPUNDAR NA BAHAY NG CELEBRITIES SA GALLERY NA ITO:
Ngunit saan nga ba nagsimula ang sunog?
Kuwento ni Mura, may isang bahagi ng kanilang bahay ang pinamugaran ng mga bubuyog. Para itaboy ito, nagsindi ang kaniyang tatay na si Juanito Padua ng onyong para maitaboy ang mga ito.
Ngunit matapos ang ilang sandali, nagsimulang magpatay-sindi ang kanilang kuryente at nakaamoy sila ng tila nasusunog na kuryente.
Pag-alala ni Mura, “'Tapos, napansin ko na parang may liwanag dito sa may pintuan ng kapatid kong babae. Sinilip kong ganyan, talagang gumagapang na 'yung apoy.”
Ayon kay Mura, maaaring hindi napansin ng kaniyang tatay na may nahuhulog nang baga mula sa hawak niya. Nilinaw naman ng aktor na wala siyang pinagsisisihan.
“Aksidente lang naman kasi ang nangyari. Matanda na rin si Papa, malabo na rin 'yung kaniyang mga mata, mahirap naman na pagsabihan mo 'yung ganiyan, baka kung ano pa ang mangyari sa kaniya e,” sabi niya.
Sa ngayon, nagbigay ang KMJS ng kaunting tulong pinansyal kina Mura, habang ang Pamahalaan ng Ligao ay nagbigay rin ng kaunting tulong sa kaniyang pamilya.
Para gumaan ng kaunti ang kaniyang loob, ilang mga kaibigan at naging katrabaho niya sa industriya ang nagbigay ng mensahe.
Sabi ng Comedy Concert Queen na si Aiai delas Alas, nalulungkot ito sa nangyari kay Mura, at nagbigay pa ng kaunting paalala. “Parati kang mag-iingat at nandiyaan ang Panginoon para parati tayong bigyan ng lakas.”
Ito rin ang naging mensahe ng TiktoClock host na si Jayson Gainza, na kahit maraming pinagdadaanan ngayon, ay malalampasan din ito at nagpaalalang huwag makalimutan tumawag sa Kanya.
Samantala, dalangin naman ni Pokwang para kay Mura, “lahat kayo na mga mahal ko sa buhay ay ligtas at nasamabuto kayong kalusugan at kalagayan. Sana ay one day, magkasama-sama tayo ulit.”
Tiniyak din ni Empoy Marquez na nandito lang ang kaniyang mga kaibigan sa industriya para sa kaniya.
Samantala, tiniyak din ng Katipunan ng mga Artistang Pilipino sa Pelikula at Telebisyon President na si Imelda Papin na handa rin silang magbigay ng tulong kay Mura.
“Nandito kami kung kailangan mo diyaan ang mapaayos namin ang iyong bahay, maging part kami sa pag-aayos ng bahay, we will do it. A little bit of assistance pagdating sa financial, we will send you,” sabi niya.
Masaya naman umano si Mura na naaalala pa rin siya ng kaniyang mga kaibigan. Aniya, “ Meron pa naman nakaka-alala sa akin, atsaka thank you pa rin kasi gusto pa rin nila akong tulungan.”
Panoorin ang buong segment ng kuwento ni Mura dito: