
Mahigit dalawang dekada na ang lumipas mula nang unang mapanood ang award-winning film na Muro-Ami.
Sa makapangyarihang kuwento nito tungkol sa mga batang diver na ginagamit sa isang mapanganib na pamamaraan ng pangingisda, tumatak ang mga aral at emosyon ng pelikula hindi lamang sa mga manonood kundi maging sa mga artistang naging bahagi nito.
Bukod sa mahalagang mensaheng hatid ng pelikula, naging daan din ito upang mabuo ang matibay na samahan sa pagitan ng buong cast.
Ngayong muling ipinalalabas sa mga sinehan ang remastered version ng Muro-Ami, unti-unti ring nagbabalik ang mga alaala at emosyon ng mga artistang naging bahagi ng pelikula.
Isa sa mga naging espesyal na sandali kaugnay ng muling pagpapalabas nito ay ang pagkikita, kahit sa pamamagitan ng mensahe, nina Cesar Montano at dating child actress na si Rebecca Lusterio.
Sa isang episode ng Fast Talk with Boy Abunda, isang nakatutuwang sorpresa ang inihanda para kay Cesar nang ipakita ang video message ng kaniyang Muro-Ami co-star.
"Sobrang tagal na maraming taon na ang nakalipas at sobrang natuwa ako nu'ng nalaman ko na ipapalabas ulit ang 'Muro-ami' sa mga sinihan," ani Rebecca.
"After ng 'Muro-ami', akala ko talaga hindi na ako magkakaroon ng chance na mapasama ulit sa isang pelikula. But four or five years later ata, may pumunta sa school ko sa Panglao. Sabi eh hinahanap na ako ni Cesar Montano," kuwento niya.
Labis din ang pasasalamat ni Rebecca sa mga pagkakataong ibinigay sa kaniya ng aktor.
"After Panaghoy sa Suba, nabigyan ako ng scholarship ng Letran at dahil doon nakapagtapos ako ng kolehiyo. Kuya Buboy, maraming maraming salamat sa opportunities at tiwala na ibinigay mo sa akin. Dahil sa tiwala na 'yon maraming magagandang bagay ang nagbukas para sa akin. That's something I will always be grateful for," dagdag niya.
Samantala, labis din ang pasasalamat ni Cesar sa talento at suporta na ibinigay rin ni Rebecca sa kanilang mga proyekto.
Mapapanood na sa mga piling sinehan nationwide ang remastered version ng Muro-Ami.
Sa direksyon ni National Artist for Film and Broadcast Arts na si Marilou Diaz-Abaya, isinulat ang pelikula nina National Artist for Film Ricky Lee at acclaimed filmmaker Jun Robles Lana.
Kasama rin nina Cesar at Rebecca sa pelikula sina Pen Medina, Jhong Hilario, Amy Austria, at marami pang iba.
Samantala, balikan ang panayam ni Cesar Montano sa Fast Talk with Boy Abunda, dito: