
Todo-suporta ang celebrity mom na si Alma Moreno sa kanyang beauty queen aspirant daughter na si Miss World Philippines 2017 candidate #9 Winwyn Marquez.
Hindi man pabor ang kanyang ex-husband at tatay ni Wyn na si Joey Marquez na sumali muli sa beauty pageant ang kanilang anak, sinuportahan pa rin ni Alma ang desisyon ni Wyn.
“Ang tinanong ko lang sa kanya, ‘Gusto mo ba ‘to talaga?’ [Sabi niya,] ‘Oo, mama.’ [Sabi ko sa kanya,] ‘Ikaw lang nakakaalam kung anong nasa loob mo [kaya] sundin mo kasi ‘pag gusto mo, go ka [at] andito lang kami to support you. Basta handa ka lang sa mangyayari. Gawin mo ang lahat ng makakaya mo, galingan mo,’” kuwento ng aktres sa panayam ng GMANetwork.com.
Ayaw lang ni Alma na may pagsisisi ang kanyang anak sa huli, “Ayoko nang pagdating ng panahon, ‘pag pinigilan namin siya, magsisi pa. She’s 25, ibig sabihin, last na iyan so bigay mo na.”
Mula sa 65 na kandidata, napili si Winwyn na mapabilang sa official 35 candidates ng Miss World Philippines 2017 competition. Finalist pa siya sa talent showcase at sa Boracay beach beauty challenge.
“Proud mom lang talaga [ako]. ‘Yung mga hindi ko narating, narating ng anak ko,” nakangiting sabi ni Alma sa media.