
Unang beses na magkakatrabaho ang StarStruck alumni at GMA home-grown talents na sina Megan Young at Katrina Halili sa kanilang pagbibidahang GMA Afternoon Prime soap na The Stepdaughters.
Ibang-iba raw si Katrina sa likod at harap ng kamera, ayon kay Megan. Maraming katangian ang nadiskubre ng actress-beauty queen sa kanyang co-star na kilala bilang kontrabida ng Kapuso network.
“It’s really nice to work with her. ‘Pag nakikita ko siya sa TV, natatakot ako. May scary factor. Matapang eh, sobrang tapang ng dating niya,” ang paglarawan ng Kapuso leading lady sa kanyang makakabanggaan sa serye.
Iisipin mong maldita talaga ang aktres sa totoong buhay kaya kapani-paniwala ang kanyang pag-arte sa TV ngunit hindi raw ganun si Katrina, ayon sa kanyang katrabaho.
Kuwento ni Megan sa GMANetwork.com, “Matapang din siya in real life pero sweet, sobrang sweet na tapang [na] parang ‘yung confidence niya [ay umaapaw].”
Nagulat pa ang morena beauty sa kanyang nadiskubre tungkol sa kanyang magiging stepsister, “She’s sure of herself pero mahiyain in real life. Mahiyain pala siya, hindi ko akalain.”
Nakapag-workshop at taping na ang dalawa kaya't kumportable na sila sa isa’t isa. Ani Megan, “It’s nice working with someone who’s really down to earth, and who helps the people around her become better at what they do. Maganda ang working relationship in that sense [kasi] tulungan kami.”