
Diretsahan sinagot ni Kapuso heartthrob Juancho Trivino ang mga isyu na pinupukol sa kanya sa harap ng entertainment press sa media conference ng pinakabago niyang primetime series na Inday Will Always Love You.
Makakasama ng guwapong binata sa Kapuso series sina Derrick Monasterio at Barbie Forteza na mapapanood sa May 21.
Aminado si Juancho na malaking palaisipan sa kanya kung bakit patuloy siyang nili-link sa Dubsmash Queen of the Philippines na si Maine Mendoza.
Matatandaan na naging close ang dalawa sa primetime series na Destined To Be Yours.
Saad niya, “Hindi ko po alam, hindi ko po alam kung bakit hindi mamatay [ang issue]. Kung ako mismo na nahihiya na po sa kanila na siyempre nadadamay ‘yung pangalan nila everywhere I go. Sa mga post sa Instagram.”
Ayon din kay Juancho ay tinatanong na niya ng personal si Maine kung naapektuhan ba siya ng mga kumakalat na mga balita at blind item.
“Hindi naman po, hindi naman. In fact, I would ask her (Maine Mendoza) sometimes din kung, magko-consult ako sa kaniya, kasi siyempre sila naman 'yun eh and parang sasabihan niya ''Di okay lang 'yan. Wala 'yan, huwag mong intindihin 'yan.''
Dagdag din ni Juancho na naiintindihan niya ang lahat ng mga opinyon ng mga tao pabor man o hindi sa pagiging malapit niya sa Eat Bulaga star.
“And siyempre lahat naman ng pananaw, nirerespeto ko ‘yung mga pananaw ng mga fans, ‘yung pananaw ng mga boss namin sa GMA. So everyone. I fully respect everyone.”
Tinapos din ni Juancho ang kumakalat na tsismis na sila na ni Maine Mendoza dahil kagagaling lang niya sa isang relasyon last 2017. Binigyan diin ng aktor na focus lang siya sa trabaho ngayon.
“Siyempre hindi ko naman po kino-consider ‘yun sa ngayon. Kasi, personally kasi I just came out of a relationship. Siguro mga let's say bandang last year. So, gusto ko naman ngayon mag-focus sa career ko.”
Kamakailan lang din ay may pumutok na isyu sa pagitan nila ni Pambansang Bae Alden Richards last March 2018 kung saan hindi nagustuhan ng mga fans ni Alden ang isang viral video kung saan tampok si Juancho Trivino.
Ni-reveal ng binata na nagkausap na sila ng Pambansang Bae at maayos na ang lahat sa pagitan nila.
“Nagkausap na kami. Actually, the day after the issue nagkita kami sa GMA and we talked and everything is settled now.”
Inday Will Always Love You
Sa darating na May 21 mapapanood ng mga Kapuso ang romcom series na Inday Will Always Love You. Ayon kay Juancho, ipapakita nila sa soap na ito ang gandang itinatago ng probinsya ng Cebu.
Ani Juancho, “Bumisita kami sa iba’t ibang places sa Cebu, parang semi fini-feature na rin namin. It’s all nice, kasi the place in Cebu is really, really nice.”
Maganda rin daw ang nabuong samahan sa kanila ng mga cast at marami raw silang chance na makapag-bonding.
“Masaya kasi ‘yung mga seniors nakiki-bond rin. Sila Direk Ricky (Davao) also, sumasama tuwing nagdi-dinner out kami. Nagkakaroon kami ng maraming bonding experience with them.”