
Nabiktima ng Ipit Gang ang Unang Hirit host na si Lyn Ching habang namamasyal sa loob ng Powerplant Mall sa Rockwell Center Makati noong Sabado, June 30.
Nanakawan daw ng iPhone 7 Plus ang TV personality noong 4:00 PM at nang napansin ni Lyn ang isa sa mga kawatan ay agad niyang pina-check ang CCTV ng store.
“They’re checking now after 5pm... so wala na ang mga kawatan. Umalis na. Ang saya-saya,” ulat ng Kapuso reporter sa kanyang Facebook page.
Regalo raw ng kanyang asawa ang mamahaling cellphone na naglalaman ng photos at videos ng kanilang mga anak.
Bukod raw sa kanya ay may nagreklamo ring tao na nanakawan raw ng dalawang cellphones. Ayon sa Balitambayan, isang government undersecretary ang ninakawan mahigit 15 minuto lang ang nakalipas bago si Lyn.
Ipina-blotter na raw ng host ang insidente sa Makati Police Station 6 at binalaan na rin ang ibang shoppers.