
Parehong aminado na hindi mahilig magluto ang Kapuso stars na sina Myrtle Sarrosa at Faye Lorenzo.
Kaya ganun na lang ang kanilang nerbyos nang sumalang sila cook-off challenge ng lifestyle at food review show na Pop Talk.
“So kanina nung papasok na kami para sa challenge, siyempre kinabahan talaga ko,” pagtatapat ng Myrtle na kilala rin bilang cosplayer at online gamer.
“'Yong feeling ko 'yong para akong magsa-start na isang game tapos hindi mo alam kung ano 'yong gagawin, hindi mo alam kung anong dish yong lulutuin.”
Ganito rin ang pakiramdam ng sexy comedienne na si Faye Lorenzo bago magsimula ang tapatan nila.
“Nanlamig ako. Pinawisan ako ng bonggang-bongga kasi ito na talaga, magluluto na ko,” sabi ni Faye.
Para sa challenge na ito ay pork ang napiling pangunahing sangkap ng putahe na gagawin ng dalawang magkatunggali.
“Medyo kakaiba ang naiisip kong gawin. Sa totoo lang hindi talaga ako magaling magluto,” komento ni Myrtle.
“Puwede ako magluto ng adobong baboy pero this time, Iloilo version kasi taga-Iloilo ako and iba 'yong adobo namin, e. Sana mabigyan ko ng hustisya 'yong tinuro ng lola ko.”
Banat naman ni Faye, “Siyempre hindi tayo papatalo. Menudo 'yong lulutuin ko.”
Very generous naman sa pagbibigay ng payo at tips ang guest co-host at judge na si Chef Anton Amoncio para alalayan ang celebrity contestants.
“Si Faye, I feel like napangunahan lang ng self-doubt. In fairness, I have to give props kay Faye kasi normally, 'Ay 'wag na 'yan, wala na kong time.' Si Faye, hindi, 'Laban ako, akin na 'yan!'” puri ni Chef Anton sa Bubble Gang mainstay.
Sa huli ay nakakuha si Myrtle ng overall score na 86 laban sa 80.5 ni Faye para maiuwi ang panalo.
“Sa lahat ng mga Ilonggo na nanunood, masarap talaga ang ating mga dishes. At sa lola ko, thank you,” pahayag ni Myrtle sa kanyang trophy acceptance speech.
“For someone like me to be given the award for cook-off champion for today's epsisode, I am grateful, I am flattered. Siguro magluluto pa ko ulit,” dagdag pa ng Nagbabagang Luha star.
Panoorin ang kabuuan ang cook-off challenge between Myrtle Sarrosa at Faye Lorenzo dito:
Manood ng Pop Talk tuwing Martes, 6 p.m., sa GTV.