
Masasabing masaya ang puso ngayon ni Nadine Lustre sa piling ng kanyang boyfriend na si Christophe Bariou.
Mula sa kanilang vacation photos at candid moments, kitang-kita ang sweetness at matibay na samahan ng dalawa.
Dahil dito, napapaisip ang maraming netizens kung posible na bang pumasok sa susunod na yugto ang aktres: ang pagkakaroon ng sariling pamilya.
Sa latest vlog ng Unkabogable Star na si Vice Ganda, naging bukas si Nadine sa pagkuwento tungkol sa kanyang kasalukuyang relasyon.
Inamin ng aktres na ramdam niya na ito na ang “the right one” at posibleng ang kanyang huling boyfriend.
Kaya naman diretsahang tinanong ni Vice, "So ready ka na maging wife?"
Ang sagot ni Nadine, "Parang ibang responsibility 'yan. Siguro, I mean kung mangyayari e 'di go."
Dagdag niya, "Feeling ko naman kasi 'yung kung ano ang nangyayari and ginagawa namin ngayon, parang ganu'n na siya. I think kasi we're both focused on working on ourselves din. Meaning like naggo-grow pa kami separately and we're growing together kasi may businesses kami together. Ang dami pa naming gustong marating."
Ibinahagi rin ni Nadine na maayos at puno ng tiwala ang kanilang relasyon. Aniya, kung sakaling magkaroon man sila ng hindi pagkakaunawaan, handa siya na gawin ang lahat upang maayos ang kanilang relasyon.
Bukod sa pag-aasawa, napag-usapan din ang posibilidad ng pagiging ina.
Ngunit tapat na inamin ni Nadine, "Actually ayoko talaga mag-anak. Pero kung mangyayari, kung ibibigay sa'kin, tatanggapin ko naman."
Nilinaw ni Nadine na bukas ang kanyang puso sa ideya ng pagkakaroon ng anak. Ngunit nais pa muna niyang mag-focus sa sarili at sa kanyang career sa showbiz.
"Parang 'di ko lang kaya...kasi takot 'din ako na magra-raise ka ng tao. Syempre responsible ka d'yan. Hindi lang siya laruan, hindi lang siya cute," pahayag niya.
"It's such a huge responsibility na takot ako 'pag nagkamali ako. I think for me din kasi, hindi pa ko tapos i-discover 'yung sarili ko. Tapos maga-anak ako na parang lahat ng atensyon at oras ko mapupunta sa bata. I feel like in some way baka sobrang maka-affect din siya sa akin."
Samantala, mapapanood sina Nadine Lustre at Vice Ganda sa 2025 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na Call Me Mother. Kabilang din sa cast ang Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition stars na sina Mika Salamanca, Brent Manalo, Shuvee Etrata, Klarisse de Guzman, at Esnyr.
Tingnan ang sweet photos nina Nadine Lustre at Christophe Bariou sa gallery na ito: