
Ibinahagi ng celebrity mom at nagbabalik-showbiz na si Nadine Samonte sa Fast Talk with Boy Abunda ang pinaka hindi magandang komento na natanggap niya noon.
Sa pagsalang ni Nadine sa “Fast Talk” segment ng programa kasama si Boy Abunda, isa sa naging tanong sa aktres ay, “Best compliment you received?”
“Maganda raw 'yung eyes ko,” nakangiting sagot ni Nadine.
Matapos ito kabaligtaran naman ang itinanong ni Boy sa aktres, “Worst comment sa'yo?”
Sagot naman ng aktres, “Losyang na raw ako.”
Matapos ang kanilang “Fast Talk,” binalikan ni Boy ang sagot ni Nadine na pagiging losyang nito.
“Sinong nagsabi na losyang ka?” nagtatakang tanong ni Boy sa aktres.
Kuwento naman ni Nadine, “Tito Boy kapag nagpo-post ako na walang make-up or anything. Kasi minsan naglalaba ako, bini-video-han ko na kasama 'yung kids ko, tapos may magko-comment na, 'Ay losyang ka na.' 'Yung mga ganon.”
SILIPIN ANG NAGING BUHAY NI NADINE SA LABAS NG SHOWBIZ DITO:
Pero para sa aktres, hindi naman siya naaapektuhan sa mga ganitong komento sa kaniya dahil masaya naman siya sa kaniyang buhay.
Aniya, “But you can't please everyone naman so parang ako, 'Okay, I don't care masaya ako e,' so okay lang sa akin.”
Dugtong naman dito ni Boy, “Don't allow yourself to be defined by words like that.”
Samantala, muling mapapanood si Nadine sa isang Kapuso series. Ito ay ang upcoming GMA Afternoon Prime series na The Missing Husband kung saan reunited din siya kay Yasmien Kurdi na batchmate niya noon sa season 1 ng StarStruck.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.