
Natagpuan na sa wakas ang missing bride-to-be na si Sherra de Juan ngayong Lunes, December 29 matapos ito biglang maglaho noong December 10.
Sa post ng Quezon City Police Department (QCPD) sa kanilang Facebook page, ibinahagi nilang papunta na sila, kasama ang pamilya ni Sherra, sa isang undisclosed location para sunduin ang dalaga.
“Patungo na ang mga tauhan ng QCPD PS 5, kasama ang pamilya ni Sherra, upang ligtas at maayos siyang sunduin sa kanyang kinaroroonan,” sabi ng QCPD sa kanilang post.
Pagpapatuloy nila, “More or less 3 hours ang byahe, kaya inaasahang bandang alas-5:00 mamayang hapon ang pagdating dito sa Maynila.”
Ayon sa report ng GMA Integrated News, December 10 pa noong naiulat na nawawala si Sherra. Ito ay matapos umano niyang ipaalam sa kanyang sa fiancé na si Mark Arjay Reyes na bibili lang siya ng sapatos para sa kanilang nalalapit na kasal. Ikakasal dapat sila noong December 14, ngunit hindi na mahanap pa ang dalaga.
Base rin sa report, iniwan ni Sherra ang kaniyang cellphone sa bahay para mag-charge, bagay na hindi na bago, ayon kay Mark. Ngunit noong gumabi na at hindi pa umuuwi ang dalaga ay ni-report na ito nina Mark at ng kapatid ng kaniyang fiancé sa pulisya.
Sa hiwalay na report ng GMA News Online, inilahad ni GCPD Spokesperson Police Major Jennifer Gannaban na itinuturing na nila bilang person of interest (POI) si Mark sa pagkawala ni Sherra.
Ngunit paglilinaw nila, “[Person of Interest] po siya pero not necessarily na suspect na. Si Mark kasi ang last na kasama, at fiancée kaya naituring na POI.”
Sa mga termino ng pulisya, ang POI ay isang tao na maaaring pagkuhanan ng impormasyon para sa imbestigasyon, ngunit hindi bilang sangkot sa isang krimen. Samantala, ang suspect naman ay pinagsususpetsahan ng paggawa ng isang krimen.
Related gallery: "Finding Earl: The Dollente Family Story"