
Nasaksihan ngayong Sabado ang pagtatapos ng GMA Afternoon Prime series na Cruz vs. Cruz, na pinagbibidahan nina Vina Morales, Neil Ryan Sese, at Gladys Reyes.
Sa Instagram, ibinahagi ni Neil ang ilang larawan niya kasama ang kanyang co-stars sa nasabing serye at nagpahayag ng pasasalamat sa karakter niyang si Manuel Cruz.
"Salamat Manuel Cruz at sinama mo ako sa iyong emosyonal na paglalakbay, sa mga hamon at aral na binigay mo sa'kin. Hindi madali na magpaalam, pero lahat ng kwento kailangang umusad," sulat niya.
Nagpasalamat din ang versatile actor sa lahat ng bumuo ng Cruz vs. Cruz.
"Maraming salamat sa mga boss, creatives, cast at sa masisipag na staff ng Cruz vs. Cruz. Salamat sa tiwala at pagmamahal, Kapuso! hanggang sa susunod na kabanata.
"Manuel Cruz sigining off," dagdag niya.
Bago umere ng finale episode ng Cruz vs. Cruz, bumisita at nakapanayam ni Boy Abunda si Neil kasama sina Vina at Gladys sa Fast Talk with Boy Abunda kamakailan.
Sa nasabing interview, sinabi ni Neil na isang "jackpot" ang mapag-aagawan ang kanyang role na si Manuel ng mga karakter nina Vina at Gladys sa afternoon soap.
Aniya, "Bilang artista, Kuya Boy, jackpot! Bilang character, mahirap kasi may mga desisyon kang kailangang gawin, may masasaktan, may mahihirapan 'di ba. Pero bilang artista, sobrang jackpot. Bilang tao, surreal 'yung pakiramdam."
RELATED CONTENT: The cast of 'Cruz vs. Cruz' stuns in blue at the GMA Afternoon Prime Media Day