
Malapit daw sa puso ni Star of the New Gen Jillian Ward ang kuwento ng upcoming action-drama series na Never Say Die.
Gaganap siya dito bilang Joey, anak ng isang disgraced policeman. Malaki ang tiwala niya sa ama, kaya gagawin niya ang lahat para linisin ang pangalan at reputasyon nito.
Nakaka-relate daw si Jillian sa karakter niya, lalo na sa pinagdaanan ng pamilya nito.
"Medyo malapit sa 'kin 'yung story ni Joey. Medyo spoiler--nag-separate kasi 'yung parents ni Joey dito so somehow medyo naalala ko din 'yung mga times na pinagdadaanan ko 'yun with my parents," kuwento ng aktres sa media conference ng Never Say Die.
Matatandaang noong nakaraang taon, inamin ni Jillian na lubos siyang naapektuhan ng paghihiwalay ng kanyang mga magulang.
Pero ngayon, imbis na mabuksan muli ang mga sugat ng nakaraan, nakatulong pa daw ito para makapag-move on siya.
"I think also, Joey has helped me sort of overcome talaga 'yung mga lingering pang pain na nararamdaman ko pa from that situation. Hindi naman risk, more of healing siya for me," paliwanag ni Jillian.
Ang Never Say Die ay kuwento paghahanap ng hustisya at katotohanan ng isang vlogger at ng isang investigative journalist.
Magkasalungat man ang kanilang mga pananaw, mapipilitan silang magtulunan para mapabagsak ang isang malaking drug syndicate.
Makakasama ni Jillian sa serye sina Pambansang Ginoo David Licauco, Raheel Bhyria, Kim Ji Soo, Richard Yap, Raymart Santiago, Angelu de Leon, Ayen Munji-Laurel, Winwyn Marquez, Analyn Barro, at marami pang iba.
SILIPIN ANG MOTORCADE AT MEDIA CONFERENCE NG NEVER SAY DIE DITO:
Abangan ang upcoming action-drama series Never Say Die, simula February 2, 8:55 p.m. sa GMA Prime.
May same-day replay ito sa GTV tuwing 10:30 p.m. at mapapanood din online sa Kapuso Stream.