
Sa ikaanim na linggo ng Love Revolution, nalaman na ni Lin ang tunay na pagkatao ni Nick. Ipinagtapat na ni Nick na siya talaga si Nica, ang kaibigan noon ni Lin sa bahay ampunan.
Sa pag-uusap ng dalawa, ikinuwento ni Nick kay Lin ang nangyari kung bakit siya inampon ng kanyang adoptive parents.
Hindi naman maamin ni Jack ang kanyang tunay na nararamdaman para kay Lin nang makita niyang magkasama ang huli at si Nick.
Samantala, ibinalita ni Xander kay Seifer na nakita niyang magkasama sa isang kotse sina Vina at Gregory. Dahil dito, nalaman ni Seifer na wala sa U.S. si Vina at kasabwat nito si Gregory sa panloloko kay Ingrid tungkol sa totoong kalagayan ng kanyang ama.
Naalala naman ni Vina na mayroong kasambahay na kinuha noon ang namayapang asawa ni Ed na si Lourdes at naging malapit ito sa dalawa noon. Sa pag-uusap nina Vina at Gregory, sinabi ng una sa huli na siguradong mayroong alam ang taong 'yon tungkol sa last will ng kanyang asawa.
Isang matandang babae naman ang biglang bumagsak sa kalsada at nakilala ito ni Seifer na si Manang Susan, ang dati nilang kasambahay. Agad na dinala ni Seifer si Manang Susan sa ospital at nagpakilala siya na si Ardy nang magising ito.
Nakiusap si Seifer kay Manang Susan na huwag nitong sasabihin kahit kanino ang kanyang tunay na pagkakakilanlan dahil maaari siyang malagay sa peligro.
Ipinatago rin ni Seifer kay Manang Susan ang kanyang larawan kasama ang kanyang mga magulang para walang makahahanap nito.
Hanggang kailan kaya maitatago ni Seifer ang katotohanan tungkol sa kanyang pagkatao? Subaybayan ang Love Revolution, weekdays, 9:00 a.m., sa GMA.