
Inimbitahan ni Camille Prats ang isa sa mga itinuturing niyang 'ate' sa showbiz na si Antoinette Taus para sa kanyang latest YouTube vlog.
Bukod sa pagluluto, nagkaroon din ng pagkakataon ang Arabella actress at dating T.G.I.S. star na makapagkuwentuhan. At isa sa mga napag-usapan nina Camille at Antoinette ang isang isyu na tila hindi raw matapos-tapos.
Kahit ilang taon nang hindi active sa show business, aminado ang huli na nakatatanggap pa rin siya ng mga tanong tungkol sa diumano'y pagkakaroon niya ng anak kaya tinalikuran niya ang pagiging isang artista.
Sabi ni Antoinette, “Ang dami talagang hindi makaintindi kung bakit ako umalis. Nung time na 'yun, ang dami nilang iba't ibang theories and tsismis. Hanggang ngayon may mga tao pa ring nag-iisip na nagkaroon ako ng kids before, which there's nothing wrong naman with that.”
Ayon pa sa kanya, kung totoo raw na nagkaroon siya ng mga anak ay magiging proud pa siya at hindi niya itatago ang mga ito.
“My only point is kung mayroon ako, I would be proud of my children and I would share it. Oo nga pala, hindi lang daw isa. Kasi, every time na babalik ako sa [United] States, sinasabi nila magkakaroon na naman daw ako."
Sinundan ito ni Camille ng paglalarawan na hindi raw mamatay-matay ang naturang tsismis tungkol sa aktres.
Kasunod nito, ipinaliwanag ni Antoinette ang tunay na dahilan kung bakit nanatili siya sa ibang bansa kasama ang kanyang pamilya.
Pahayag niya, “Grabe, pumunta lang naman ako sa States kasi may pangarap din ako. Actually, what happened was, right after we moved, we also found out na nagkasakit na 'yung mom ko, cancer."
Dagdag pa niya, "So, it kind of became something na, buti na lang din we did. Kasi, we were able to be with her throughout her whole treatment at hindi 'yung parang we had to move during that difficult time."
Ibinahagi rin niya na dahil sa nangyari ay hindi na niya namalayan na nakakaranas na pala siya noon ng depression habang siya ay nasa U.S.
Aniya, “We got to spend 'yung last eight months talaga with her. That's really when I kind of stopped doing the work that I was doing na after that, kasi hindi ko na-realize that I went into depression…”
Samantala, si Antoinette ay abala ngayon bilang humanitarian, UNEP Goodwill Ambassador, at Founder ng non-profit organization na CORA Philippines.
SILIPIN ANG BEACH OUTFITS NI ANTOINETTE TAUS SA GALLERY SA IBABA: