
Simula June 4, mapapanood na ang pinakabagong action-comedy series ng GMA na siguradong mamahalin ng mga manonood, ang Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.
Ang nasabing programa ay pinagbibidahan nina Ramon “Bong” Revilla Jr., Beauty Gonzalez, at Max Collins.
Excitement ang naramdaman ni Bong ngayong mapapanood na ang television adaptation ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis, na kanya ring pinagbidahan noon sa classic '90s film kasama ang asawang si Lani Mercado.
“Talagang excited ako dahil alam ko na kapag napanood niyo ito, talagang maiibigan ninyo dahil noong unang ginawa natin ito na movie, I did it with my wife, Lani, Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis 1 and 2. So, [two] movies na super hit. Kaya I'm sure kapag ginawa natin ito sa telebisyon, na mapapanood niyo na sa June 4, I'm sure maiibigan ninyo,” kuwento niya sa interview ng GMANetwork.com.
Nagpapasalamat naman si Beauty dahil sa oportunidad na ibinigay sa kanya upang gampanan ang role bilang Gloria, ang asawa ni Tolome (Bong Revilla Jr.). Matatandaan na personal choice ni Lani Mercado si Beauty upang bigyang-buhay ang karakter niya noon.
Aniya, “Sobrang happy ko talaga kasi napanood ko ito noong bata pa lang ako, and now that I'm playing the role of Gloria, such an honor talaga na parang 'Thank you so much for choosing me.' And I'm excited because it's a different kind of Gloria, may kaunting Bisaya. So, it's a different kind of flavor naman ngayon.”
Happy and honored naman si Max sa pagiging bahagi ng upcoming action-comedy series at sa mga makakasama niyang batikang aktor dito.
“I feel so happy and honored na parte ako ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis kasi napakaganda ng original na kuwento and talagang naging cult favorite siya. So, now that we're remaking it, it's exciting to see all the original fans come out and support us.
“And also, the fact that I'm working with Senator Bong Revilla and with Beauty Gonzalez, and the rest of the cast as well is something to be very honored about,” ani Max.
Puspusan din ang paghahandang ginawa ng tatlong lead stars para sa kanilang roles sa nalalapit na serye gaya ng pagsailalim sa gun training, kung saan tinuruan sila ng tamang paggamit ng firearm at gun firing.
Bukod dito, kabilang din sa preparasyon ni Bong para sa kanyang role ay ang pagpapalakas ng pangangatawan at pag-research tungkol sa comedy.
Paliwanag niya, “I work out every day-almost every day, siguro mga five times a week-just to prepare for this project. Nag-research ako sa mga comedy, kailangan pa rin 'yung timing. Pero syempre 'yung experience ko no'n sa Idol Ko si Kap, 'yung mga Hokus Pokus ko noon na ginawa ko na sitcom, mahuhugot ko ngayon. Kaya abangan niyo 'yung mga paputok namin na comedy.”
Isa naman sa mga paghahanda ni Beauty para sa kanyang karakter ay ang panonood ng hit film na Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.
“Unang una, pinanood ko 'yung pelikula, of course, 'yun talaga 'yung una. Pangalawa, I added a bit of flavor to it, nilalagyan ko ng kaunting Bisaya. And 'yung buhok ko pinagupit ko kaya medyo pa-Gloria na siya,” pagbabahagi niya.
Samantala, sumabak sa iba't ibang physical training si Max para sa kanyang role bilang Elize Riego De Dios sa Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.
Aniya, “Gun training. Now, I'm working on Kali, that's like knife fighting, and martial arts. Basta anything to do with action that I can get my hands on, I've been doing para lang makapag-prepare ako para sa show na ito kasi everyone's been bringing their A game and everyone is a fighter.”
Abangan ang Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis sa GMA.
SAMANTALA, SILIPIN ANG GUN TRAINING NG CAST NG WALANG MATIGAS NA PULIS SA MATINIK NA MISIS SA GALLERY NA ITO.