
Flattered si Barbie Forteza sa papuri ng It's Showtime host na si Vice Ganda matapos mag-guest ang Kapuso star sa Kapamilya noontime show noong Sabado, July 1, ang unang araw na napanood ang programa sa GMA channel na GTV.
Tampok si Barbie sa opening number ng It's Showtime noong weekend, kasama ang hosts nito at Kapuso-Kapamilya stars. Partikular niyang nakasama mag-perform sa stage sina Kim Chiu, Belle Mariano, at Alexa Ilacad sa isang dance prod.
Noong Sabado rin nag-post si Vice ng paghanga sa Sparkle artist sa Twitter.
"Bagay si Barbie sa Showtime. I love her vibe!" ani ng komedyante nang i-share niya ang isang video ni Barbie na isinisigaw ang It's Showtime tagline na "What's up, Madlang Pipol?"
Bagay si Barbie sa Showtime. I love her vibe! https://t.co/Saf51DKf5U
-- jose marie viceral (@vicegandako) July 1, 2023
Hiningan ng GMANetwork.com si Barbie ng komento tungkol dito sa contract signing ng bago niyang ineendorsong beauty and wellness brand na Lumi.
Ayon sa aktres, "Actually nagulat ako kasi na-confirm ko lang na si Ms. Vice talaga 'yon (nag-tweet) no'ng nakita ko 'yung blue check. Sabi ko, shocks, si Ms. Vice talaga 'to, kaya super happy ako."
Kung bibigyan ng pagkakataon, nais din ba ni Barbie na maging host ng It's Showtime?
Sabi niya, "I would love to come back actually kung mapagbibigyan at kung magagawan ng paraan ang schedule, why not? Ang sarap talaga mag-guest sa It's Showtime."
Sa ngayon, naka-focus si Barbie sa bago niyang serye na pagbibidahan nila ng Maria Clara at Ibarra co-star niyang si David Licauco.
Sila ang modernong bersyon nina Sharon Cuneta at Robin Padilla sa TV adaptation ng 1991 film na Maging Sino Ka Man na may parehong pamagat.
Makakasama rin nina Barbie at David sa Maging Sino Ka Man sina Juancho Trivino, Faith Da Silva, Mikoy Morales, at Rain Matienzo.
Parte rin ng cast ang mga batikang artista na sina ER Ejercito, Jeric Raval, at Ms. Jean Garcia.
May pelikula rin sina Barbie at David na aabangan sa big screen. Pinamagatan itong That Kind of Love na kinunan ang ilang eksena sa South Korea.
BAGO PA MAGSIMULA ANG KANYANG BAGONG SERYE, BALIKAN ANG ILANG TV CHARACTERS NI BARBIE NA MINAHAL NG MARAMI: