
Nag-trending kamakailan lang ang pinakabagong parody song ng comedy genius at Bubble Gang star na si Michael V, na "Oh Wow." Ito a parody ng kantang "Uhaw" ng bandang Dilaw.
Kahit na ang bagong parody niya ay tumatalakay sa mga content at content creators, nilinaw naman ng actor-comedian na hindi patama ito kahit kanino, kundi isang reminder lang.
“I'd like to say it's a reminder. Hindi lang sa kanila (content creators), pati sa sarili ko. Sana maka-inspire tayo ng generation na 'hindi pa puwede, puwede pang pagandahin,' sabi ni Michael V., o mas kilala bilang si Bitoy, sa interview niya kasama si Nelson Canlas para sa "Chika Minute" ng 24 Oras.
Pinuna din ni Bitoy na mukhang marami ang naka-relate sa kaniyang bagong parody, at sinabing nagiging toxic na ang mundo ng mga content creators ngayon.
“Yung content creators, dapat alam 'yung ibig sabihin ng salitang content,” dagdag pa nito.
Samantala, wala pang isang araw ay umabot na ng 4.1 million ang views ng naturang parody video sa TikTok, at nasa trending list din ng YouTube. Bukod pa rito ay may 2 million views na rin ito sa Facebook.
Maraming netizens din ang pumuri sa bagong parody ng comedy genius at sinabing sobrang talented talaga ni Bitoy, at napapanahon ang ginawa niya.
Bukod pa rito, ilang celebrities din ang pumuri sa likha ni Bitoy, at ipinahayag kung gaano sila napabilib sa ginawa nito. Kahit ang mismong mga miyembro ng bandang Dilaw, ang orihinal na kumanta ng "Uhaw" na pinaghanguan ni Bitoy ng parody, ay natuwa sa ginawa niya.
Sa isang video ni KC Montero na ini-upload ni Michael V sa kaniyang Instagram account, makikitang nagte-thank you ang ilang miyembro ng banda at sinabi pang mahal nila ang comedy genius.
“Stay thirsty!” sabi pa ni Vie dela Rosa sa video.
Ipinahayag naman ni Bitoy ang pagkabilib niya sa banda at sa pagiging passionate ng mga ito.
“Sana ganun, sana uhaw lahat sa excellence,” sabi nito.