
Ramdam na ramdam na talaga ng mga Kapuso ang Christmas season.
Sa GMA morning show na Unang Hirit, live na nakasama ng UH Barkada ang tinaguriang “Mr. Christmas” ng Pilipinas na si Jose Mari Chan.
Sa isang segment ng programa kung saan nagluluto si Susan Enriquez, ipinakilala ng Sparkle star at UH host na si Shaira Diaz ang kanilang espesyal na bisita.
Ngayong Biyernes, September 1 o unang araw ng “ber” months, live na bumisita si Jose Mari Chan upang makisaya sa kanila.
Ayon sa UH Barkada, tapos na ang matagal na panahon na pasilip-silip lang ang paboritong Christmas icon ng mga Pinoy.
Napanood sa programa ang kanyang live performance kung saan kinanta niya ang kanyang famous Christmas song na “Christmas In Our Hearts.”
Bukod dito, ipinarinig din niya ang bagong kantang isinulat niya na tungkol din sa Pasko.
Nang tanungin ng UH Barkada si Jose Mari Chan kung ano ang nararamdaman niya tuwing sasapit na ang unang araw ng “ber” months, masaya niya itong sinagot.
Ayon sa Chinese Filipino singer-songwriter, “It's always exciting.”
Matatandaang bago pa man sumapit ang unang araw ng Setyembre, nagka-countdown na ang mga Pinoy sa paglabas ni “Mr. Christmas” na si Jose Mari Chan.