
Nagbigay ng pahayag ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) chairperson na si Diorella Maria “Lala” Sotto-Antonio sa mga batikos matapos ang pagkalat ng mga larawan ng courtesy call sa kanya ng Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI)
Ayon sa “Chika Minute” report ng 24 Oras, ang naturang grupo ang nagsampa ng reklamo nitong Lunes, September 11, sa Quezon City Prosecutor's Office laban sa mga TV host na sina Vice Ganda at Ion Perez kaugnay ng kontrobersyal na episode ng programang It's Showtime.
Ang nasabing episode ang naging basehan sa pagsuspinde ng MTRCB sa noontime show.
Sa isang pahayag ni Sotto, sinabi niya na noong August 24 pa ang naging courtesy call ng KSMBPI, kung saan nagpahayag lamang ng suporta ang grupo sa mga ginagawa ng MTRCB.
“The Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) would like to clarify the recent photos circulating on social media. These photos were taken during a courtesy call by the Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas, Inc (KSMBPI) at the MTRCB Office on August 24, 2023,” pahayag ng MTRCB chairperson.
Ayon pa kay Sotto, huwag umanong lagyan ng malisya ang mga larawang ito. Aniya, “We urge everyone not to interpret these photos with any malicious intent.”
Ang courtesy call ay nangyari bago pa magsampa ng reklamo ang KSMBPI laban kina Vice at Ion, at bago inilabas ang suspension notice ng MTRCB laban sa It's Showtime.
Base pa sa pahayag, itinanggi ng KSMBPI na sila'y naimpluwensyahan ng MTRCB sa paghahain ng kanilang reklamo.
Samantala sa isang hiwalay na statement, sinabi ng Board of Directors ng MTRCB na nakatanggap ng rape at death threats si Chairperson Sotto nitong mga nagdaang linggo, bagay na kanilang mariing kinundena.
“Over the past weeks, we have experienced an unfortunate surge in threatening messages on our social media pages, including explicit rape and death threats directed at Chairperson Lala Sotto. While the MTRCB recognizes the importance of constructive criticism and open dialogue, it strongly condemns any form of threats, harassment, or violence, both online and offline,” bahagi ng inilabas na pahayag.
Panoorin ang buong “Chika Minute” report sa 24 Oras video sa ibaba.