
Umani ng sari-saring reaksyon at diskusyon online ang pagpapakilala sa pinakaunang AI Sportscasters ng bansa, na sina Maia at Marco. Tutulong ang naturang AI sporstcaster sa pagbibigay ng updates sa social media accounts ng GMA Integrated News tungkol sa mga kaganapan sa Season 99 ng National Collegiate Athletic Association o NCAA.
Bagama't marami ang natuwa sa inisyatibong ito na sumabay sa AI o Artificial Intelligence Technology ang media, marami rin ang naglabas ng saloobin na tutol dito dahil sa agam-agam na baka mapalitan na nito ang trabaho ng tao.
Ayon sa isang netizen na nagkomento sa isang Facebook post tungkol kina Maia at Marco, “Nakakabilib, oo, pero maraming mas kailangan ng trabaho na TAO- HUMAN, kesa palitan n'yo ng mga likha n'yo.”
Sa report ng 24 Oras, ipinaliwanag ni GMA Network Senior Vice President and Head of Integrated News, Regional TV, and Synergy Oliver Victor B. Amoroso na ang AI Sportscasters na sina Maia at Marco ay pandagdag lamang at hindi pamalit sa human aspect sa coverage ng NCAA.
Aniya, “The special participation of our Al Sportscasters is just part of the exciting plans we have for NCAA Season 99. Maia and Marco were introduced to complement, not replace, the human aspect of our coverage.”
Ayon pa kay Amoroso, sina Maia at Marco ay AI presenters lamang at hindi mamamahayag kung kaya't hindi nito kailanman mapapalitan ang seasoned broadcasters na puso ng organisasyon.
Giit niya, “They are Al presenters, not journalists. They can't replace our seasoned broadcasters and colleagues who are the heart of our organization.”
Dagdag pa ni Amoroso, “While we are for innovation, we also value training and upskilling our employees so they could be empowered in this age of Al.”
Ipinakita rin sa nasabing report ang artikulo ng Esquire Philippines kung saan sinasabing matagal na ring binabago ng AI ang pamumuhay ng mga tao at mangyayari rin naman umano sa Pilipinas ang pagkakaroon ng “non-human” TV presenters at ang dapat gawin ay alamin kung paano mapabubuti ng AI ang kakayanan ng mga tao.
Base pa sa report ng 24 Oras, isang panayam ang ginawa ng PhilStar.com kasama ang Journalism professor ng University of Santo Tomas na si Jeremiah Opiniano Ph. D..
Ayon umano kay Opiniano, napapanahong pag-aralan ng mga newsroom sa Pilipinas ang pros at cons ng paggamit ng AI sa news na ginagawa na rin sa ibang bansa. Kung mayroon umanong masamang dulot ang AI sa industriya, ang susunod na tanong ay kung anong editorial at ethics related measures ang kailangang gawin.
Upang mas maintindihan ng nakararami ang Artificial Intelligence, may isinasagawang Masterclass Series ang GMA Integrated News at GMA Synergy sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Samantala, present naman sa NCAA Season 99 opening ceremony ang maraming Kapuso stars.
Dumalo rin sa nasabing event ang Five Breakups and a Romance stars na sina Alden Richards at Julia Montes sa nasabing event, silipin DITO:
Para sa ibang napapanahong balita at entertainment updates, bisitahin ang GMANetwork.com.