
Usap-usapan ngayon sa social media ang babaeng nagngangalang Abegail Rait na nagsasabing siya ay dati umanong naging karelasyon ng yumaong OPM icon at tinaguriang Master Rapper na si Francis Magalona o Francis M.
Sa latest episode ng vlog ni Boss Toyo na “Pinoy Pawnstars,” isiniwalat ni Abegail ang kuwento ng umano'y tagong relasyon nila noon ni Francis M.
Mapapanood kasi sa nasabing vlog ang pagbebenta ni Abegail ng isang blue jersey na ibinigay daw noon ni Francis M. sa kaniya bago ito pumanaw. Kasama ng nasabing jersey ay ang larawan nila ni Francis M. at etiketa na may nakasulat na, “Abegail Hon, I love you so much.”
BALIKAN ANG MGA LARAWAN NOON NI FRANCIS M. DITO:
Dati umanong flight attendant si Abegail sa Asiana Airlines pero una siyang nakita ni Francis M. nang manood siya sa Eat Bulaga noon. Kuwento ni Abegail, kinuha umano ng Master Rapper ang kaniyang contact number at dito na raw nagsimula ang kanilang relasyon na nagbunga ng isang anak.
Sa paglantad ni Abegail, kasama niya ang anak umano nila ni Francis M. na si Gaile Francesca, na mismong Francis M. pa raw ang nagpangalan.
Nakuha raw ni Gaile ang talento ng ama pagdating sa pagiging mahusay sa pagkanta at pag-rap. Pero bukod dito, kaya rin umano ni Gaile ang sumayaw, mag-drawing, at mag-painting.
Naging emosyonal din si Abegail nang alalahanin ang nakaraan nila ni Francis M. at ang naging pagtatago nila ng kaniyang anak sa loob ng maraming taon.
Paninindigan ni Abegail, “What we had is real, me and my daughter exist. Mahal niya kami [Francis M] and that's a fact.”
Kuwento pa ni Abegail, bago pa man pumanaw si Francis M. ay tila nagpapahiwatig na ito ng kaniyang pamamaalam dahil sa nararamdamang sakit. Sa mga panahon daw na iyon ay inaalagaan din umano ni Abegail si Francis M.
Dahilan naman ni Abegail sa pagbebenta ng jersey ni Francis M. ay upang ma-preserve at maalagaan umano ito ng maayos.
Upang mas makumbinsi naman si Boss Toyo na talagang kay Francis M. ang nasabing jersey, humingi pa siya ng ibang patunay kay Abegail. Dahil dito, inilabas pa ni Abegail ang ilang mga larawan nila ni Francis M. kasama pa ang baby pictures ni Francesca na karga-karga ng kaniyang sinasabing ama.
Mula sa PhP700,000, nabili ni Boss Toyo ang nasabing jersey ni Francis M. kay Abegail sa halagang PhP500,000.
Sa ngayon, umabot na sa mahigit one million views sa YouTube ang nasabing vlog ni Boss Toyo.
Samantala, wala pang inilalabas na reaksyon ang naiwang pamilya ni Francis M. tungkol dito.