
Pumanaw na ang actor-comedian na si Joey Paras kahapon, October 29, sa edad na 45.
Ito ay malungkot na kinumpirma ng kamag-anak ni Joey sa isang Faceboook post.
“To all of our family and friends, we are saddened to announce that our Tito Joey Paras, passed away and joined our Creator this afternoon, October 29, 2023 at 5:40 PM. Unfortunately, his heart wasn't able to recover anymore,” sulat sa post.
Ayon pa sa nasabing post, kinakailangan ng kamag-anak ni Joey ng tulong pinansiyal para sa hospital bills na kailangan bayaran bago mailabas ang mga labi ng yumaong aktor.
“Currently, his remains are still at the hospital's morgue. We need to settle his hospital bills for us to take him home. Our family is knocking at your kind and generous heart to help us raise a fund to cover his hospital bills.
“Kindly PM us immediate family for the bank details. Funeral arragements will be announced further,” saad sa post.
RELATED GALLERY: IN PHOTOS: Pinoy comedians na pumanaw na
Samantala, base sa report ng GMA News, nagkaroon na ng ilang mga operasyon sa puso si Joey noong 2016 at 2018.
Taong 2016 nang siya ay sumailalim sa angioplasty. Ang angioplasty ay isang procedure kung saan bubuksan at paluluwagin ang baradong arteries sa puso upang tuluyang makadaloy ang dugo rito.
Noong 2018 naman nang sumailalim din sa operasyon si Joey kung saan kinailangan siyang kabitan ng CRTP device o cardiac resynchronization therapy pacemaker upang matulungang tumibok nang tama at ma-monitor ang kaniyang puso.
Matapos naman mag-negatibo sa Covid-19 noong June 2020, nanawagan ng tulong si Joey para sa kaniyang muling pagsalang sa angiopasty. Dito ay kinailangan niya ng PhP750,000 para sa naturang operasyon. Ang aktres na si Kris Bernal ang isa sa mga tumulong sa kaniya noon.
Huling napanood si Joey sa ilang mga programa sa GMA noon gaya ng Sunday Pinasaya. Bumida rin si Joey sa ilang mga pelikula tulad ng Bekikang: Ang Nanay kong Beki noong 2013.
Noong 2022, nakapaglaro pa si Joey sa weekday game show ng GMA na Family Feud kung saan host si Dingdong Dantes.
Paalam at maraming salamat sa iyo, Joey!