Simulan na ang Christmas shopping sa Noel Bazaar 2023. Mula November 10 hanggang December 17 ay maaari na mamili sa Okada Manila ng mga holiday decorations, iba't ibang mga pagkain, mga pangregalo, kasuotan para sa holiday season, at marami pang iba.
Sa 24 Oras ipinakita ang mga matatagpuan sa ika-22 taon ng Noel Bazaar.
Saad ng Kapuso Foundation Ambassador at kilalang news personality ng GMA Network na si Mel Tiangco, mas mainam na mamili sa Noel Bazaar dahil ito ay tumutulong din sa Kapuso Foundation.
"Kung mamimili ka na rin lang, at siyempre lahat tayo mamimili, dito ka na lang mamili sa ganoon ay biyayaan ka pa ng Panginoon. Bakit? Dahil tutulong ka pa sa kapwa."
Ipinakita pa sa ulat ng 24 Oras na may kontribusyon ang namayapang mamamahayag na si Mike Enriquez sa Noel Bazaar 2023.
Kuwento ni EVP at COO ng Kapuso Foundation na si Rikki Escudero-Catibog, "For 40 days, until the 40th day of Mike, we opened all of our donation portals for the Mike Enriquez legacy fund. And together with the proceeds for the Noel Bazaar, ito ang gagawin namin na funding for the schools and the bridge that we're going to make next year."
Sa higit dalawang dekada ay nakapagpatayo na ang Kapuso Foundation ng 442 classrooms at 8 tulay sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas.
Isa sa mga dapat puntahan sa Noel Bazaar ay ang celebrity ukay-ukay kung saan ibinebenta ng Kapuso stars ang kanilang mga personal na gamit para magbigay tulong sa Kapuso Foundation.
Isa sa mga dumalo ay si Julie Anne San Jose. Ayon sa Kapuso star, "Napakasarap sa feeling sa ating mga Pilipino kasi siyempre magpa-Pasko, kailangan nating mag-Christmas shopping. Nakakatuwa rin po kasi because of Noel Bazaar we can also help."
Bukod sa Okada Manila, gaganapin rin ang Noel Bazaar 2023 sa World Trade Center Pasay from November 24 to 30, at sa Filinvest Tent sa Alabang from December 8 to 10.