GMA Logo Pinoy Hachiko sa Kapuso Mo Jessica Soho
What's Hot

Pinoy Hachiko, hinihintay ang pagbabalik ng kaniyang amo sa Cebu port

By Kristian Eric Javier
Published November 15, 2023 1:28 PM PHT
Updated November 16, 2023 9:02 AM PHT

Around GMA

Around GMA

EDSA rehab begins Dec. 24
2 hurt as truck falls into ravine in Zamboanga City
Christmas gift ideas for your girl besties

Article Inside Page


Showbiz News

Pinoy Hachiko sa Kapuso Mo Jessica Soho


Ipinakita ng isang Aspin ang kaniyang loyalty sa kaniyang amo sa paghihintay nito ng tatlong buwan.

Kilala ang Japanese Akita Dog na si Hachiko sa kaniyang loyalty sa kaniyang amo na kahit namayapa na ay patuloy niyang hinintay sa labas ng train station sa loob ng siyam na taon. Dito sa Pilipinas, isang Aspin ang naging tila Pinoy version ni Hachiko sa pag-aantay niya sa kaniyang amo sa isang port sa Cebu ng tatlong buwan.

Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS), ibinahagi nila ang kuwneto ni Kilay, isang aspin na namataan sa pantalan ng Bogo, Cebu. Ayon sa ilang mga residente ay mabait at hindi nangangagat si Kilay, ngunit aligaga at tumatahol tuwing may dumarating na barko.

Ayon kay Jaypee Padernal, ang K9 Handler ng Philippine Coast Guard ay galing pa si Kilay sa Allen, Northern Samar at pag-aari ito ng maintenance personnel ng isang barko na kilala bilang si Mingming.

“May times po na ibinaba nila ng Matnog (Sorsogon), marami kasing aso du'n, inaaway siya. Kaya pagbalik nila ni Sir Mingming, dinala ulit nila si Kilay,” kuwento ni Jaypee.

Ibinahagi rin ni Jaypee na dahil bawal naman talaga magsakay ng mga aso sa barko ay iniwan ni Mingming ang alaga sa Cebu. Naiwan ito sa kaibigan niyang si Clemente Lequigan Jr. at ayon sa kaniya, ay binabantayan naman niya ito.

“'Pag natutulog ako sa semento, diyan lang din siya tatabi. Dinala ko na 'yan sa bahay. Bumabalik siya rito. Ang gusto niya, nandito lang siya sa pier,” sabi niya.

Dagdag pa nito ay tuwing may dumadaong na barko umiiyak si Kilay sa pag-aakalang sakay nito ang kaniyang amo.

TINGNAN ANG MGA CELEBRITY PETS NA PINOST SA INSTAGRAM DITO:

Marami namang nag-aalaga kay Kilay sa pantalan at dinadalhan pa minsan nina Clemente at Jaypee ng pagkain. Ngunit dahil Aspin ay na-impound na rin ito. Sa pakiusap nina Jaypee, Clemente, at iba pang mga nag-aalaga kay Kilay ay pinayagan na siyang makalabas ng dog pound para ipagpatuloy ang pag-iintay sa kaniyang amo.

Sa pag-iimbestiga ng KMJS ay napag-alaman nilang nasa barko biyaheng Ormoc si Glen Inoc o “Mingming” at simula Agosto ay hindi pa nakakadaong muli sa Botoc.

Ayon kay Mingming ay nakita nila si Kilay, o sa totoong pinangalan niya ditong Chokoy, sa Allen na payat na payat. Dahil sa awa ay kinupkop na nila ito sa barko.

“Malapit na talaga kami kay Chokoy. Maghagis lang ako ng bato o hahagisan lang ng lubid, tatakbuhin niya tapos ibabalik para pampasaya lang sa kaniya,” kuwento nito.

Nilinaw rin ni Mingming na hindi naman niya ginusto iwan si Chokoy, ngunit dahil kapos sa oras at sa budget para bumiyahe ng tatlong oras ay hindi niya ito nabalikan pa.

“Ang sakit sa puso. Kasi nasanay na kami na si Chokoy ay nandito sa barko. Ine-expect ko na magkita pa kami uli ni Chokoy. Baka balang araw, bumalik kami dun,” sabi niya.

Ibinahagi rin ni Mingming ang kaniyang alinlangan kung maaalala pa ba siya ng alaga.

Kaya naman sa tulong ng KMJS ay sinagot at sinamahan nila si Mingming para magkita silang muli ni Chokoy. Inamin din niya na hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman dahil baka hindi na siya makilala pa ni Chokoy.

Ngunit sa muling pagkikita nila Mingming at Chokoy, ay umiiyak na sinalubong ng Pinoy Hachiko ang kaniyang amo. Ang tanong na lang ay kung isasama o iiwanan ba uli ni Mingming ang kaniyang alaga.

Aminado naman si Jaypee na marami ang gustong mag-ampon kay Kilay at ilan sa mga nag-aalaga sa kaniya ay ipinahayag na ayaw sana nilang mawala ito sa pantalan.

Ang desisyon ni Mingming, “Iiwan ko na lang siya sa kanila ito, kasi dito siya masaya e. Ilagay n'yo sa bahay 'yan, malungkot na 'yan, wala nang mag-alaga sa kaniya.”

Masaya naman sila Jaypee at ang iba pang nag-alaga kay Kilay na makakasama pa nila ang Pinoy Hachiko sa pantalan ng Bogo at ipinangako na aalagaan nila ito ng mabuti.

“Marami ding nagmamahal kay Kilay dito, 'wag po kayong mag-alala,” sabi ni Jaypee.

Pangako naman ni Mingming sa alaga, “Babalik naman kami dito sa Bogo, bibisitahin kita uli.”

Panoorin ang segment ng KMJS dito: