GMA Logo Kapuso mo Jessica Soho
What's Hot

Lalaki sa Caloocan, nanalo ng halos P500,000 sa raffle

By Kristian Eric Javier
Published November 30, 2025 8:01 AM PHT
Updated November 29, 2023 5:11 PM PHT

Around GMA

Around GMA

2 persons hit by stray bullets in Iloilo, Bacolod
6 PDLs in Negros Occ released on Christmas Eve
A cake for pet dogs? Chef RV shares new recipe

Article Inside Page


Showbiz News

Kapuso mo Jessica Soho


Anong suwerte ang bumabalot sa isang lalaking nanalo ng P500,000 worth sa raffle?

Mula sa puhunan na P20,000, isang lalaki mula sa Caloocan ang nanalo na ng cash at prizes na umabot ng humigit-kumulang P500,000 mula sa pagsali sa mga raffle.

Nitong nakaraang linggo sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) ay nakilala si Romel O. Romelo, dating Computer Teacher sa isang private school na tila biniyayaan ng suwerte dahil sa pagkapanalo niya sa mga raffle.

Paniniwala ni Romel, ang umuulit-ulit niyang pangalan ang kaniyang naging lucky charm at ang suwerteng nakaguhit na sa kaniyang palad, ang dahilan ng kaniyang mga pagkapanalo.

“Ang Birthday ko po, Sept 23, 1983. 'Yun po ay araw ng Friday. 'Pag Friday po talaga, maraming dumadating na prizes,” pagbabahagi nito.

Dahil dito, naisip ni Romel na mag-resign na sa kaniyang trabaho para matutukan ang kaniyang pagsali sa mga raffle. Aminado naman ang asawa niyang si Eva na nag-aalangan ito noong una.

“Siyempre kasi sa hirap ng buhay ngayon, apat ang anak namin, hindi ko talaga kakayanin 'yung mga gastusin. Na-observe ko naman na nung sumali siya sa mga raffles, bawat linggo, may panalo siya,” pagbabahagi nito.

Ayon kay Romel ay halos 30 promos ang sinasalihan niya araw-araw at linggo-linggo ay hindi siya na-zero sa mga panalo ni minsan.

Pagbabahagi ni Romel, “Sa physical raffle, nanalo po ako ng refrigerator, washing machine, air dryer, iPad, worth 37,000. Ito naman ang aming water dispenser, isa rin po ito sa napanalunan ko last month lang lang po, worth P9,000. Ito namang gas range namin, napanalunan ko rin po ito sa raffle worth P12,000.”

At ang pinakamalaking panalo ni Romel, isang motor na nagkakahalaga ng P41,000. Ilang beses rin siya umano nanalo ng lifetime supplies ng grocery, kaya hindi rin problema ang pagkain nila pang araw-araw.

Ibinahagi rin ni Romel na nananalo siya minsan ng isang premyo ng tatlo hanggang apat na beses at dahil hindi na kasya sa bahay nila ay ibinebenta niya ang mga sobra para kumita pa uli.

Bukod sa physical prizes ay nananalo rin si Romel ng cash mula sa pagsali nito sa mga raffle sa TV, kabilang na ang sa Eat Bulaga at ang Ka-Selfie promo noon ng KMJS.

“Nanalo din po ako sa Eat Bulaga, at saka sa iba pa pong palabas sa TV po. Sa KMJS naman, nanalo po ako dito ng P10,000,” pagbabahagi niya.

At ang pinakamalaking cash prize na napanalo ni Romel, “Sa GMA Bigay Premyo Panalo, worth P100,000. Pinasyal ko po 'yung mga anak ko nung time na 'yun.”

BALIKAN ANG MGA NANALO NG JACKPOT SA KAPUSO GMAESHOW NA 'FAMILY FEUD' DITO:

Pero ayon kay Romel ay hindi lang siya sa mga raffle sinuswerte dahil maging sa buhay ay nabiyayaan siya. Pagbabahagi niya, naniniwala siyang ito na ang pang-apat niyang buhay.

“Una po, nung bumiyahe kami sa Bantayan Island, nalaglag po ako, tapos 'yung pangalawa din po, nalaglag din po ako sa balon, muntikan rin po akong namatay, nalunod. Tapos 'yung pangatlo nga po, 'yung bahay namin, nabagsakan ng malaking puno po,” pagbabahagi niya.

Dagdag pa nito, “Siguro po masuwerte ako dahil madasalin ako e.”

Ngunit hindi naman laging suwerte si Romel sa buhay dahil noong December 2021 ay na-diagnose siya ng type-2 diabetes at halos isang buwan siyang hindi makakita.

“Bumagsak po 'yung mundo ko talaga. Iniisip ko po talaga paano na lang 'yung mga sinasalihan ko? Paano na 'yung mga gastusin namin araw-araw?” pagkukuwento niya.

Nagbigay naman ng babala ang financial consultant na si David Angway na huwag lang basta iasa sa suwerte o raffle ang kapalaran.

“Unang-una sa lahat, hindi siya magiging sustainable or profitable dahil hindi mo mafo-forecast kung mananalo ka. I highly recommend may fixed or stable job ka,” sabi niya.

Ayon naman sa psychologist na si Raul Gaña, ang paniniwala ni Romel sa kaniyang suwerte ay maaaring magtulak sa kaniya sa addiction sa mga raffles.

“Patuloy na gagawin niya 'yung bagay na 'yun kasi feeling niya, ito 'yung tama, ito ang kapanipaniwala. Kinakailangan, reality ang lagi nating upuntahan. 'Wag iasa sa suwerte ang buhay dahil ito ay hindi habang buhay,” sabi niya.

Nilinaw naman ni Romel na hindi siya addict sa raffle, kundi nakahiligan lang niya ito dahil lagi siyang nananalo. Ngunit aminado siyang kailangan din niya ng sideline at iba pang raket para masuportahan ang pamilya.

“Kasi kung maniniwala ka na buwenas ka talaga, buwenas ka talaga. Pero kailangan, samahan mo rin ng extra income,” sabi niya.

Panoorin ang buong segment sa KMJS dito: