
Sino ang mag-aakala na isang senior citizen at dating COVID patient ang papasa sa 2023 Philippine Bar Examinations at magiging isang ganap na abogado? Kahit mismo si Attorney Rosula Calacala, hindi inasahan ang blessing na natanggap niya bago matapos ang taon.
Sa Kapuso Mo, Jessica Soho nitong Linggo, ibinahagi ni Rosula o Rose, kung papaano siya naging isang abogado at ayon sa kaniya, naging malaking tulong ang pagpasok niya ng trabaho sa munisipyo.
Maagang namulat sa hirap si Rose dahil 10 years old palang ito, dalawang taon matapos mamatay ang kaniyang ama, nang mamasukan siya bilang isang katulong. Kuwento pa niya, hangga't nakakahanap ng oportunidad ang kaniyang ina na mapag-aral siya ay pinapadala siya nito.
“Ten years old ako, nagkatulong na ako kung saan-saan na ako napunta para lang makapag-aral,” kuwento niya. .
Taong 1984 nang makapagtapos siya ng commerce, at nagtrabaho sa isang bangko, bago naging isang school director. Kuwento niya, ang dating mayor nila ang nagsabi sa kaniya na pumasok sa munisipyo dahil malapit lang ito sa kanila, lalo na at tumatanda na siya.
Dito, nakita niya ang kakulangan sa mga abogado.
“To help my constituents at Jones, Isabela. Kasi walang lawyer na nakatira doon, baka ako lang siguro ang puwede magtiyaga doon. 'Yung mga batang lawyers kasi, maraming opportunities sa mga cities e,” sabi nito.
“Tapos na ang mga anak ko, mag-isa na lang din ang asawa ko sa bahay. Nakakahiya man, most of the time na nandun ako sa munisipyo, pinag-aral talaga ako, naging scholar na talaga ako ng LGU,” pagbabahagi ni Rose.
Aminado naman siya na kahit hindi siya matalino ay matiyaga si Rose na mag-aral at magbasa, na ayon sa kaniya, ay naging malaking tulong para ihanda siya sa pagiging isang law student. Dagdag pa niya, gagawin niya ang lahat para lang makamtan ang kaniyang minimithi.
“Every time nasa sasakyan man ako, nasa meeting ako, pagka-inuutusan ako ng boss ko, meron akong nakasukbit na coda,” pagbabahagi niya.
Inamin din ni Rose na minsan ay naiisip na niyang sumuko dahil sa hirap ng pagiging isang law student, lalo na nang maging COVID patient siya noong 2020.
“'Pag law student ka, ayaw mo na, suko ka na. Susuka ka, pero 'wag dapat susuko,” pagbabahagi niya.
Ngunit halos sumuko siya nang maging online ang kanilang exam at wala siyang maisagot kaya laking gulat niya nang ipasa siya ng kaniyang professor. Dagdag pa niya ay naging malaking tulong din ang kaniyang asawa sa pagtuloy niya sa pagiging isang abogado.
“Malaking factor kasi na naka-agapay lagi ' yung asawa ko. During my law school days, ang asawa ko na talaga ang gumagawa ng mga gawaing bahay,” sabi niya.
SAMANTALA, BALIKAN ANG ILANG CELEBRITIES NA NAKAPAGTAPOS NG KANILANG PAG-AARAL:
Taong 2022 nang makapagtapos si Rose ngunit ilang pagsubok ang pinagdaanan niya bago pa man din ang mismong board exam. Kuwento niya, napilayan siya at masakit ang balikat niya hanggang braso kaya't napilitan siyang mag-review ng nakahiga.
Bukod pa dun ay namatay ang nanay niya ng buwang ng Pebrero, na naging malaking dagok sa kanilang buhay.
“Imagine mo, 'pag namatay ang nanay mo, araw-araw, kahit magbabasa ka, luluha ka. Pero sabi ko, hindi ito destruction sa'kin, ang pagkamatay ng nanay ko. Pero before sleep, naaalala ko ang nanay ko,” pagbabahagi ni Rose.
Aminado siya na hindi naging madali ang exam para sa kaniya noon kaya naman, pumunta siya ng Supreme Court para panoorin ang announcement ng mga pumasa nang walang inaasahan na magandang balita.
“Nung nakita ko 'yung pangalan ko, sobrang nagulat ba ako. Hindi ko naman ine-expect na makakapasa ako. After nang makita ko ' yung pangalan ko, ang naisip ko ay Panginoon, thank you, Lord,” pagbabahagi niya.
Dagdag pa niya, “Hindi na ako katulong. Bonus pa sa akin, naging attorney pa ako. Hindi ko inaakala magiging attorney pa ako.”
Sa huli ay nag-iwan ng kaniyang payo si Rose sa mga nangangarap din maging abogado, “Kung gusto niyong mag-abogado, 100 percent commitment 'yan. Lahat-lahat ng energy mo, lahat ng time mo, focus lang.”
“Hindi mo nga maipaglaban 'yung lovelife mo, how much more 'yung life, limb, atsaka liberty ng ibang tao. Dapat, malakas ang loob mo,” dagdag pa nito.
At sa mga kapwa niya senior citizens, ang mensahe ni Rose, “Para hindi naman tayo inaapi ng society na 'o, senior citizen, walang silbi na 'yan.' No! Gawin nating productive 'yung remaining days of our life.”
Panoorin ang buong segment dito: