
Excited na ang cast ng upcoming Afternoon Prime series na Mommy Dearest para sa kakaibang drama ng kanilang bagong serye. Sa storycon na naganap noong Sabado, January 13, inamin ng ilan sa mga cast na kinakabahan na sila sa kani-kanilang mga roles.
Bibida sa drama series sina Camille Prats, Shayne Sava at Katrina Halili, kasama sina Dion Ignacio, Prince Carlos, Amy Austria, Winwyn Marquez, Mel Martinez, Riel Lomadilla at Viveika Ravanes, sa direksyon ni Ms. Gina Alajar.
Sa storycon, ibinahagi ni Camille na grateful siya na mabigyan ng kakaibang role. Pero aminado ang aktres na may kaunting kaba siya sa pagsabak sa role niyang si Olive.
“When I found out about the role, sobrang ninerbyos talaga ako, to be honest. Parang napaisip ako na parang 'Kaya ko ba?'kasi it's very out of my comfort zone,” sabi niya.
“But then I realized, after being in the industry for quite a while, nakaka-excite isipin na meron namang ibang klaseng project na pwedeng magawa,” dagdag nito.
Pareho rin ang nararamdaman ni Shayne, una, dahil sa karakter niyang si Mookie na iba at mas intense sa dati niyang mga naging role, at pangalawa, dahil na rin sa mga bagong makakasama niya sa serye.
“Ibang iba po 'yung role ko sa past roles. I mean intense din 'yun, pero this one is different kind of intense. Parang mafi-feel mo 'yung halo-halong emotion. May love, anger, and then, ang dami e,” sabi niya.
Dagdag pa ni Shayne ay excited na rin siyang makasama si Katrina, na dati niyang mentor sa StarStruck, at iba pang mga veteran actors and actresses sa serye. Kahit aminadong kinakabahan, sinabi ni Shayne na masaya siya sa reunion nila ni Camille, na nakasama niya noon sa seryeng AraBella.
Nang tanungin siya kung kamusta ang roles nila ni Camille dito, ang sagot niya, “Iba, loving mother siya pero in a different way. 'Yung expression ng love niya is in a different way so malalaman natin 'yan.”
MAS KILALANIN PA ANG AKTRES NA GAGANAP KAY MOOKIE NA SI SHAYNE SAVA SA GALLERY NA ITO:
Samantala, masaya naman si Katrina na matapos gumawa ng action, ay ibinalik siya sa drama at nabigyan ng pagkakataon na gumawa ng iba't ibang roles at hindi nakukulong sa isang uri lang ng karakter. Pero aminado siya na naging malaki ang adjustment niya sa pagitan ng dalawang roles.
“Medyo nasanay na kasi ako sa action role na konti lang 'yung lines, more action-action lang, then ito, ito na naman, ang haba ng mga linya, tapos ang daming iyakan. Medyo nanibago na naman,” sabi niya.
Sobrang thankful at grateful din si Dion na mabigyan muli siya ng project matapos ang katatapos lang na serye.
“Ngayon ko lang ulit na-experience 'yung actor ng isang show tapos meron na po ulit kaagad so sobrang thankful ako,” pagbabahagi niya.
Samantala, ibinahagi rin ni Katrina na dapat abangan ang pagiging kontrabida ni Camille sa serye dahil first time siyang aapihin nito.
“First time niyo makikita 'yung kakaibang Camille and ako, 'yung role ko, 'yung nga, mapagmahal na ina, palaban, siyempre hindi rin sumusuko. Marami siyang pagdadaanan na trahedya, pero nandiyaan si supportive na husband,” pagtatapos ni Katrina.