
Nagkalat ang mga tao sa kalsada na may mga duck clip na nakakabit sa kanilang buhok. Saan nga ba ito nanggaling at paano ba ito nagsimula?
Sa Kapuso Mo, Jessica Soho, sinabi ni Rodney Arreola, ang seller ng mga bibe clip sa Baguio City, na 2017 pa nila sinimulang ibenta ang naturang clip. Dagdag pa niya ay galing Taiwan at China ang mga ibinebenta nilang clips at nakakaubos sila ng 500 per day.
“'Pag pupunta ka dito, ang bibilhin mo, peanut brittle, strawberry jam, pero ngayon po, siya 'yung naging pasalubong na 'a, 'pag meron kang bibe, galing kang Baguio,'” sabi niya.
Isa sa mga unang nagpauso ng clip ay ang cosplayer na si Chairein Cordoviz at ayon sa kaniya, una nilang ibinenta ang clips sa isang cosplay convention na in-attend-an nila.
“Nagsisimula po kaming mag-booth sa mga cosplay events. Lumabas po itong duck clip tapos naisipan namin na ibenta ulit sa cosplay convention,” sabi niya.
Dagdag pa niya, “Sobrang daming bumili, lahat ng pumunta sa convention, naka-clip din sila. We never expected na magiging ganito siya ka-viral.”
BALIKAN ANG COSPLAY CHARACTERS NI MYRTLE SARROSA THROUGH THE YEARS SA GALLERY NA ITO:
Mula Baguio, napadpad na rin ang mga bibe sa Manila. At nitong nagdaang Chinese New Year sa Binondo, napuno ng duck clips ang selebrasyon. Isa sa mga nag-viral ay si Abby Sales na naglagay ng buhay na sisiw na nakalagay sa hawla sa kaniyang ulo.
Paliwanag niya sa ginawa, “May nagtitinda na isang lalaki na puro buhay na sisiw. Sabi niya, 'Ayan ang ilagay mo sa ulo mo para kakaiba.' Tapos ayun, binili namin, parang ginawa naming hairband tapos ayun, hindi naman siya nalalaglag.”
Inuwi naman ni Abby sa bahay ang sisiw at sinabing balak niya itong alagaan at palakihin. Tinulungan pa siya umano ng mga kaibigan para gawan ng kulungan ang alaga.
Nunit ayon kay Abby, matapos ang dalawang araw ay pumanaw din ito.
“Nalungkot ako, bakit naman bigla siyang nawala? Siguro na-stress 'yun kasi nga mag-isa lang siya,” sabi niya.
Nagbigay naman ng munting paalala ang Executive Director ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na si Anna Cabrera na hindi props ang animals.
“Tulad nun, nakalagay sa ulo, nakakulong, limited 'yung movement, di natin alam kung may access siya sa food or water,” sabi niya.
Dagdag pa ni Anna, hindi dapat ginagamit ang animals “for the sake of likes” at ipinaalala ang ilang republic acts tungkol sa animal cruelty at ang mga parusang kalakip nito.
Nilinaw naman ni Abby na hindi nila intensyon na abusuhin ang alaga at sa halip ay gusto itong alagaan at palakihin.
“Hindi naman namin intensyon na mawala siya agad,” sabi niya.
Panoorin ang buong segment dito: