
Hindi lingid sa kaalaman ng karamihan na isang certified Swiftie ang Kapuso star na si Barbie Forteza kaya naman, labis-labis ang saya niya nang bigyan siya ng fellow Kapuso artist na si Rain Matienzo ng merch na mula sa The Eras Tour ni Taylor Swift. Bakit nga ba hindi nakanood ng concert ang Pulang Araw star?
Sa interview ni Barbie kay Nelson Canlas sa Chika Minute para sa 24 Oras, sinabi niyang na-touch siya at na-appreciate ang ginawa ni Rain hindi lang dahil sa merch, kundi pati na rin sa pagtitiyaga nito sa pagpila para mabili lang ang mga ito.
“Mas 'yun 'yung na-appreciate ko, 'yung effort talaga ni Rain na pumila, napakahaba ng pila sa merch talaga, and 'yung friendship bracelet talagang made me feel like I was there,” sabi ng aktres.
Pero bakit nga ba hindi nakapanood si Barbie ng Eras Tour concert sa Australia? Ang sagot ng aktres, “Kasi para po sa akin, ito po ay para sa akin lamang, I just feel like it is a splurge for me.
“Sabi ko sa sarili ko, if magpeperform siya dito sa Pilipinas, I would definitely watch it. But to have to spend for a flight, accommodation, and siyempre to maximize your time to wherever she's performing, parang it's too much of a splurge especially I'm coming from just finishing a house,” paliwanag ng aktres.
Ayon pa kay Barbie ay mas pipiliin na lang niya gamitin ang gagastusin sa paglipad ng ibang bansa para manood ng concert sa ibang bagay, at sinabing “Feeling ko naman magpeperform siya ulit [sa Philippines] soon.”
BALIKAN ANG MGA CELEBRITIES NA NANOOD NG ERAS TOUR CONCERT NI TAYLOR SWIFT SA GALLERY NA ITO:
Sa ngayon, abala ang aktres sa upcoming historical drama series nila na Pulang Araw, at sa nalalapit na paglipad nila ni David Licauco, kasama pa ang ibang loveteams na sina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz at Bianca Umali at Ruru Madrid sa Canada para sa Sparkle Goes To Canada show.
Ani Barbie, excited na siyang magbigay ng saya at mapawi ang homesickness ng mga Global Pinoys sa Calgary at Toronto, lalo na at first time niya sa bansang Canada.
“At saka dito lang kasi kami sa show na 'to talaga nagsama-sama ulit after All-Out Sundays, matagal na kasi akong hindi nag-o-All-Out Sundays so ngayon na lang ulit ako makakapag-perform with my friends,” sabi niya.