
Sa kabila ng masaya at makulay na Pinagbenga Festival sa Baguio, isang costume performer naman ang nalagay sa panganib nang himatayin siya sa gitna ng parada.
Nag-viral kamakailan ang video ng isang costume performer na nakabihis ng inflatable suit ng sikat na Pokemon character na si Pikachu kung saan makikita ang mascot na ina-assist ng mga pulis, bago ito biglang bumagsak.
Sa Kapuso Mo, Jessica Soho nitong Linggo, sinabi ng uploader na si Kristel Sibug na may nadaanan sila noon na mga taong naghahanap ng medic kaya sila napahinto at nakunan ang pangyayari.
“Hinahanap po namin kung sino 'yung nanghihingi ng tulong. Sinabi po nila si Pikachu nga po,” sabi niya.
Ang hinimatay na mascot performer, ang junior high school student na si Rejail Ann Laporre, ay mag-isa na lang sa buhay simula nang mamatay ang lola niya. Ginagawa niya umano ang pagma-mascot hindi lang para matustusan ang kaniyang pag-aaral, kundi maging ang kaniyang mga pang-araw araw na gastusin.
Noong araw na 'yun, nakontrata siya bilang isa sa mga mascot na magpe-perform sa Panagbenga Festival.
“Mula 6 a.m. po hanggang 9 a.m., suot suot ko na 'yung Pikachu na costume. Since marami pong turista nung parade po na nakakakilala kay Pikachu, mas kinailangan ko pong mag-exert ng effort para pasayahin ang mga tao,” sabi niya.
Ngunit matapos ang tatlong oras sa loob ng inflatable na costume, nagsimula na umano umikot ang paningin ni Rejail at sinabing nahihilo at nahirapan na siyang huminga nang mga oras na iyon, bago nawalan ng malay.
“Dahil na rin po sa loob po kasi ni Pikachu, since inflatable nga po siya, mas nadodoble po 'yung init sa loob tapos walang nagsi-circulate na hangin,” sabi niya.
Nadala naman kaagad si Rejail ng mga medic sa malapit na ospital at ayon sa estudyante, sinabi ng ospital na over fatigued na siya. Ang nirereklamo naman niyang sakit sa likod, dala naman ng muscle strain.
Sabi ni Rejail, bukod sa manipis ang hangin sa loob ng costume ay nakakangalay at nakaka-drain din daw ito ng kaniyang physical strength.
BALIKAN ANG KUWENTO NG VIRAL DANCING BEAR MASCOT SA GALLERY NA ITO:
Masaya naman siya tuwing sinusuot ang inflatable costume at sinabing nakakalimutan niya ang kaniyang mga problema tuwing nakakapagpasaya ng mga tao.
“Nung namatay po 'yung lola ko, feel ko po wala na pong direksyon 'yung buhay ko. Naging malaking factor po 'yung pagma-mascot since nadi-distract po ako,” sabi niya.
Dagdag pa ng dalaga, “Habang nagma-mascot po ako, napapasaya ko po 'yung ibang tao. 'Pag suot ko po 'yung mascot ko po, feel ko po iba po akong tao na ok lang po ipakita 'yung makulit na side ko po.”
Kumikita siya araw-araw ng PhP600 hanggang PhP700 ngunit dahil nirerentahan lang niya ang costume ay kailangan niyang hatian ang mayari nito mula sa kita niya. Ngunit aminado rin si Rejail na kulang ang kinikita niya, at sinabing minsan ay isang beses sa isang araw lang siya kumain o kaya naman ay hindi na siya nakakakain.
Sa ngayon, on the road to recovery na ang batang costume performer, “Kapag fully recovered naman na po ako, may balak pa rin naman po ako sa pagsusuot ng mascot.”
Panoorin ang kaniyang buong interview dito: