GMA Logo Miss Yelo of Isabela in Kapuso Mo, Jessica Soho
What's Hot

Miss Yelo ng Isabela, kumikita ng halos P100,000 kada buwan?

By Kristian Eric Javier
Published March 8, 2024 5:17 PM PHT

Around GMA

Around GMA

NBA: Nine Cavs hit double figures during blowout of Pelicans
This show from Seoul features dashing oppas and will debut in Manila
'Boga' hurts 2 kids in Iloilo; hit in the eyes

Article Inside Page


Showbiz News

Miss Yelo of Isabela in Kapuso Mo, Jessica Soho


Dahil sa yelo, naging mas magaan na ang buhay ng isang pamilya sa Isabela.

Mula sa pagiging zero, kumikita na ngayon ang isang 21 year old mula isabela ng halos P100,000 per month nang dahil sa yelo.

Sa Kapuso Mo, Jessica Soho nitong nakaraang Linggo, ikinuwento ng tinaguriang Miss Yelo na si Jodielyn Ugalde kung paano nagsimula sa pinamanang karinderya ng kaniyang lola ang kanilang negosyo sa yelo.

“Kesa sa iba pa po kami bumili ng yelo, kami na lang po ang gumagawa. Si Mama po kasi noon, every madaling araw po, pumupunta na po siya ng market para bumili ng mga lulutuin niya. Doon na po kinuha ni Mama 'yung chance na tanungin 'yung mga fish vendor kung gusto ba nilang bumili ng mga yelo-yelo,” sabi ni Jodielyn.

Ayon sa kaniya, noong una ay pakonti-konti lang ang kumukuha ng yelo sa kanila. Ang gamit pa nila para magpatigas ng yelo ay isang lumang freezer na sirain pa. Para makagawa ng mas maraming yelo, nangutang sila sa mga nagbebenta ng appliance para makabili ng bagong freezer.

“Meron pong mag-o-order sa amin ng 10 pieces, 20 pieces, 15 pieces, pinakamaraming order na po is 100 to 130 pieces. Minimum po na nade-deliver namin araw-araw nasa 350 to 500 pieces po,” sabi niya.

Sa ngayon, umaabot na ang benta nila ng P65,000 - P90,000 kada buwan, samantalang umaabot naman ang kuryente nila ng P30,000 - P40,000 para patakbuhin ang kanilang mga freezer.

Dahil rin dito ay natustusan niya ang pag-aaral ng mga kapatid, “Dahil po dito sa yelo, nabibili na po namin lahat ng gusto namin na hindi kami nahihirapan gaya ng buhay namin noon na kahit tsinelas lang po hindi po kami makabili.”

Dagdag pa niya, masarap sa pakiramdam na hindi na nila kailangan isipin kung saan pa sila kukuha ng pambili ng pagkain at kanilang panggasto sa araw-araw.

TINGNAN ANG MGA CELEBRITIES NA NAGTAYO RIN NG KANILANG MGA NEGOSYO:


Ngunit ang unti-unting pag-angat ng kanilang buhay, napalitan din ng hindi magagandang pangyayari.

“Naghiwalay po si Mama at Papa. Si Papa po, nakulong po siya, nag-asawa po ng iba si Mama, so parang sumakit po 'yung loob ko noon,” sabi ni Jodielyn.

Dagdag pa niya ay noong high school, dahil sa problema ay napabarkada siya at kinalaunan ay nabuntis siya at nagkaanak. Ngunit kahit ganoon ang nangyari, hindi pa rin siya pinabayaan ng kaniyang ina na si Eddielyn.

“Siyempre, bilang ina, pag nagagalit, nakakapagsalita ng hindi maganda. Pero hindi ko po sila matiis. Sobrang bigat po kasi 'yung mga naranasan ko noon. Aakayin mo 'yung mga anak mo para 'wag bumitiw,” sabi niya.

Ayon naman kay Jodielyn, masarap sa pakiramdam na kasama niya ngayon ang kaniyang ina at inaalalayan siya sa mga bagay-bagay.

“Kasi po kahit ganun 'yung nangyari sa akin na nabuntis po ako, nandiyaan pa rin 'yung Nanay ko na hindi po ako binitawan,” sabi niya.

Dagdag pa ni Jodielyn, “After po noon, tinulungan ko na po 'yung sarili ko at tinulungan ko na rin si Mama na mag-build up pa po 'yung aming business.”

Sa ngayon ay patuloy pa rin si Jodielyn at ang kaniyang ina sa pagpapalago ng kanilang negosyo ngunit ngayon, kasama na rin niya ang kaniyang asawa at anak dito.

“Ang layo na po namin sa dating buhay namin. Hindi naman po mangyayari ang lahat ng ito kung hindi rin po dahil sa nanay ko po,” sabi niya.

Panoorin ang segment nila dito: