
Naging usap-usapan kamakailan ang pagkapanalo umano ng isang indibidwal sa Lotto dahil hindi lang isang beses siya nanalo, kundi 20 beses sa loob lamang ng isang buwan. Ayon kay Seantor Raffy Tulfo, sa Philippine Charity and Sweepstakes Office (PCSO) pa mismo nanggaling ang listahan ng mga nanalo.
“'Yung PCSO nagbigay sa akin ng listahan na siguro 1,000 pages. Medyo nakakataas ng kilay, mayroon doon na isang tao nanalo ng 20 times in one month, mayroon din 10 times in one month,” ani ng senador sa panayam niya sa DZBB Super Radyo kamakailan lang.
Dagdag pa nito, “Maybe siguro baka magkapangalan pero still, pare-pareho 'yung premyo ang pinanalunan.”
Pinuna rin ng senador ang dalas ng mga panalo ngayong meron nang E-Lotto na lagi umanong may nanalo tuwing draw kumpara noong wala pa ito na isa hanggang dalawang buwan daw bago may makakuha ng premyo.
Samantala, sa hiwalay na panayam ay sinabi ng PCSO General Manager na si Mel Robles na iimbestigahan nila ito. Sa panayam naman niya sa Unang Hirit noong March 13, nilinaw ni Mel hindi naman sa jackpot nanalo ng 20 beses kundi sa lower tier games lang.
“Sa pasimula, kung sa jackpot po, wala pong ganiyan, 'yung jackpot natin. Hindi ito 6/42, 6/48, hindi ho iyan jackpot bearing. Sigurado po kami diyaan dahil wala pong nananalo ng 20 jackpot games in one month,” sabi niya.
Ngunit ayon kay Mel, maaaring mag-claim ng 20 times o more than 20 times ang isang tao mula sa lower tier games nila. Dagdag pa niya, maaaring hindi naman ang claimant ang nanalo at sa halip ay nakisabay lang dito ang Lotto winner.
“Yung 10,000 and above, most likely sa branch namin na nasa munisipyo, kapitolyo, most likely, kapitolyo. At kung ikaw ay nasa probinsya, ang access mo lang ay outlet, pupunta ka pa sa kapitolyo kung saan ang amng branch ay nandodoon,” paliwanag niya.
Pagpapatuloy pa ni Mel, “So for that matter, ang ginagawa ng iba, makikisabay na lang sa may ari ng outlet. Siguro at a discount or maybe ibawas mo na pamasahe mo kasi 'yung iba walang ID or physically hindi kaya.”
BALIKAN ANG KUWENTO NG LOTTO WINNERS NA NILOKO NA ISINADULA SA #MPK SA GALLERY NA ITO:
Sinabi rin ni Mel na may nakita na silang ilang Lotto outlets na ganito ang ginagawa at handa silang ipresenta ang datos sa senado “kung talagang kailangan nila.”
Tungkol naman sa pagdalas ng mga nananalo nang magsimula ang E-Lotto, sinabi ni Mel na wala naman silang nakikitang “dramatic disparity” pagdating sa dami ng mga nananalo.
“Actually, para i-compare mo na mas madalas, meron kang pinagbabasehan dapat e. Kung dati tatlo isang buwan, ngayon sampu isang buwan. 'Yun po ang hinahanap namin, hindi ho namin makita 'yung dramatic disparity, parang pareho pa rin ho e,” sabi niya.
Binigyan linaw din ni Mel ang tungkol sa issue ng root access at sinabing hindi nito kayang manipulahin ang resulta ng Lotto draws dahil ito ay para sa administrative purposes lang. Dagdag pa niya ay inimbita rin daw umano ng PCSO ang kahit sinong senador na pumunta sa opisina para tingnan ito, ngunit walang nagpa-unlak sa kanilang imbitasyon.
Panoorin ang interview ni Mel Robles dito: