
Nag-viral kamakailan ang post ng isang brand ng takoyaki dahil sa alok nitong PhP100,000 sa magpapa-tattoo ng kanilang logo sa noo. Ang nasabing alok ay nai-post noong April 1 o mas kilala bilang April Fool's Day.
Dahil sa matinding pangangailangan, dali-daling nagpa-tattoo si Mang Ramil Albano para makuha ang premyo para sa kaniyang anak.
Noong una tumangging magbigay ng premyo ang takoyaki brand at may-ari nitong si Carl Quion dahil ito ay isang April Fool's prank lang umano at hindi raw dapat sineseryoso. Ngunit dahil sa dami ng negatibong comments at sa mga tulong na natanggap ni Mang Ramil ay ibinigay na rin nila ang ipinangakong PhP100,000.
Ngunit prank nga ba ito o scripted?
Inalam ng Kapuso Mo, Jessica Soho nitong Linggo kung ano ang totoo mula kina Mang Ramil at Carl.
Maraming netizens kasi ang nagduda sa nangyaring umano'y prank. Isa sa netizens ang nag-post ng maiksing video kung saan makikita si Mang Ramil, na sumali na sa dating challenge content ni Carl. Ayon sa netizens, maaaring pinag-usapan na nila ang April Fool's prank dahil magkakilala naman talaga sila.
Nilinaw naman ni Mang Ramil na totoo ang kaniyang pagsali sa challenge, ngunit hindi sila magkakilala ni Carl.
Ang sagot naman ng may-ari ng negosyo sa nasabing akusasyon, “Hindi po talaga, hindi ko kilala si Tatay Ramil.”
May mga nagduda rin sa mabilisang pag-submit ni Mang Ramil ng photo entry, patunay na ipina-tattoo nga niya ang logo ng negosyo ni Carl bago pa ang April Fool's prank. Marami rin kasi ang nakapansin na tila magaling na ito agad at sinabing baka matagal nang ipina-tattoo ang logo.
Ipinakita ng KMJS sa isang tattoo artist ang litrato ni Mang Ramil at ayon kay Eloise Cadilo, wala ngang bleeding o redness ang tattoo ni Mang Ramil. “Kapag ganun kasi, I would say na mga more than a week or around a week na 'yung tattoo.”
Bukod pa dito ay may mga kumakalat rin na litrato ni Mang Ramil na nagpapakitang meron na siyang tattoo sa noo bago pa i-post ng takoyaki brand ang kanilang prank.
Isang kakilala pa ni Mang Ramil, na itinago sa pangalang Ralph, ang nagpakita ng screenshot kung saan makikitang sinend niya sa kakilala ang picture ni Mang Ramil na may tattoo na. Base sa screenshot, sinend ang picture noong March 29, tatlong araw bago i-post sa social media ang prank.
Ang sagot ni Mang Ramil sa mga nagpapakalat ng kaniyang picture, “Yung lumabas na 'yan, gawa-gawa lang nila 'yan, baka in-edit lang 'yan.”
BALIKAN ANG PINAY CELEBRITIES NA MAY ASTIG NA TATTOOS SA GALLERY NA ITO:
Ngunit sa isang video na pinost mismo ni Carl, inamin niyang gimik lang ang lahat.
Sabi niya sa naturang video, “Aamin na'ko. Dinala namin kayo dito sa isang malaking marketing stunt. Kailangan ay makabuo ako ng ingay para mag-viral.”
Sa video, makikita ang isang text interaction sa pagitan ni Carl at sa kakilalang tattoo artist; April Fool's day last year pa lang ay nabuo na ang kaniyang plano. Nagpahanap na siya ng willing magpatattoo sa noo ng kanilang logo, at sumagot si Mang Ramil sa tawag na ito.
“Tinanong ko siya [Mang Ramil] kung hindi ba niya pagsisisihan. Ang sabi niya, ok lang naman daw basta para sa anak niya,” sabi pa ni Carl.
Ngunit nilinaw rin ng takoyaki store owner na hindi scammer si Mang Ramil. “Part 'to ng marketing stunt mula una hanggang huli. Ginawa namin lahat para ani ng engagement sa negosyo namin.”
Ayon naman kay Mang Rmail, nagawa lang niya ito dala ng pangangailangan para sa kaniyang anak na may down syndrome at sa isa pang anak na kailangan ng pang tuition fee.
Ngunit katanggap-tanggap ba ang ganitong mga prank o advertisement?
Ayon sa social media expert na si Janette Toral, wala namang masama gumawa ng post sa social media kahit pa ang hangarin mo lang ay mag-viral. Ngunit paalala niya, 'wag lang itong sosobra.
“Paano mo masasabi na sumusobra ka na? Siguro sumusobra ka na kapag nakakapanlinlang ka na. Siguro papasok siya sa field ng false advertising,” sabi niya.
“Is it possible na itong content na ito ma-misinterpret ng tao? Pwede ba siyang maka-deceive? Kung ang sagot mo [ay] no, then ok, pasado 'yung content mo,” dagdag pa niya.
Para naman kay advertising specialist na si Jerry Hizon, hindi dapat ginagamit ang pagiging creative sa isang advertisement para maliitin ang talino ng kanilang audience.
“Ibalik din nila dun sa product, i-attribute nila. Respect the intelligence of the consumer, of the viewer,” ani niya.
Ayon naman kay Atty. Erika Lectura, maaaring humarap sina Carl at Mang Ramil sa criminal at civil cases.
Aniya, “Maaari din silang maging liable o managot dun sa mga tumulong o mga nagpabot ng pledges. Lahat ng mga pledge dito sa pangyayaring ito, kailangan maibalik sa kanila.”
“'Yung amount na nai-pledge nila, if ever nakapaglabas na sila ng pera at kahit hindi naman, it doesn't change the fact na meron pa rin silang criminal at civil liability,” sabi niya.
Humingi nna rin ng pasensya si Mang Ramil at sianbing willing naman siyang ibalik ang mga nakuha nilang donasyon ngunit may ilan na nagsabi na hindi na niya kailangan gawin iyon.
Humingi na rin ng pasensya si Carl sa mga naapektuhan, kasama na si Mang Ramil.
Aniya, “Naibalik na po lahat ng mga nagbigay ng donasyon pero may iba, mangilan-ngilan na ayaw na nilang tanggapin kasi nga, para daw 'yun sa anak ni tatay Ramil. Ito halo-halong emosyon; kaba, takot, mga nagalit o nainis, sa mga natuwa, humihingi ako ng patawad sa kanila.”
Panoorin ang buong segment ng KMJS dito: